397 total views
Mga Kapanalig, dalawang linggo na ang nakararaan nang mangyari ang madugong engkwentro sa pagitan ng mga pulis at mga mangagawa ng NutriAsia na nag-rally sa labas ng planta ng kompanya sa Bulacan.
Giit ng mga pulis, hindi violent dispersal ang nangyari. Sa kuwento nila, payapa nang umalis ang mga manggagawa nang bigla silang bumalik kasama na ang ilang miyembro ng isang militanteng grupo upang pasukin at batuhin ang planta. Dito na raw nag-umpisa ang gulo. Mariing kinukundena ng ating Simbahan ang paggamit ng karahasan kahit pa sa paggigiit ng ating mga karapatan. Sinusuportahan natin ang pag-oorganisa at malayang pagpapahayag ng kanilang mga saloobin, ngunit sana’y iniiwasan ang paghantong sa karahasan ng anumang pagkilos. Gayunman, mainam na malaman ang puno’t dulo ng nangyaring gulo.
Halos dalawang linggo nang nagra-rally ang mga manggagawa ng NutriAsia bago mangyari ang engkwentro. Nananawagan silang gawin na silang regular, gawing sapat ang ipinasasahod sa kanila, tiyaking maayos ang kondisyon ng pagawaan, at ibalik ang mga tinanggal na lider ng unyon. Noong Pebrero, sinabi ng Department of Labor and Employment (o DOLE) na may mga paglabag sa mga batas paggawa ang NutriAsia at ang mga manpower agencies nito. Kabilang sa mga paglabag na ito ang paggamit ng “labor-only contracting” o mas kilalang kontraktwalisasyon, pagsuway sa mga occupational safety and health standards, at underpayment ng basic wages at hindi pagbibigay ng iba pang benepisyo. Ipinag-utos din ng DOLE na i-regularize ng NutriAsia ang mahigit 1,000 manggagawa nito. Patuloy na nagmamatigas ang NutriAsia at itinatanggi nila ang mga sinabing paglabag. Dahil rito, pinaigting ng unyon ang kanilang pagkilos na nauwi nga sa pagkakatanggal ng ilan sa kanila sa trabaho at sa marahas na engkwentro.
Mga Kapanalig, ayon sa panlipunang turo ng Simbahan, may dalawang dimensyon ang paggawa. Ang unang dimensyon ay objective: tumutukoy ito sa kabuuan ng lahat ng gawain at instrumento’t teknolohiyang ginagamit ng tao upang makalikha ng mga bagay. Ang ikalawang dimensyon ay subjective: patungkol naman ito sa kakayahan ng taong lumikha, maging bahagi sa proseso ng paglikha, at tumugon sa kanyang bokasyong pakinabangan ang mundong ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Ang tao ang tuon ng paggawa. Sa pamamagitan ng paggawa, lubusan tayong nagiging tao.
Hindi ito mangyayari, Kapanalig, kung hindi kinikilala ang mga karapatan ng mga manggagawa. Tulad ng iba pang mga karapatan, nakabatay ang mga karapatan ng mga manggagawa sa kanilang pagkatao at dignidad. “Just wage is the legitimate fruit of work,” lehitimong bunga ng paggawa ang sapat na sahod. Malaking kasamaan kung dahil sa kasakiman ng mga may-ari ng negosyo, napagkakaitan ang mga manggagawa ng bunga ng kanilang pagpapagal. Matingkad ang kasakimang ito sa kontraktwalisasyon, kung saan ipinagdadamot sa mga manggagawa ang security of tenure, ang pagkakataong tumaas ang kanilang sahod, at ang pagkamit ng mga benepisyong itinakda ng batas.
Kinikilala rin ng Simbahan ang kahalagahan ng pag-oorganisa at aktibong pakikilahok ng mga manggagawa sa mga unyon upang maisulong ang kanilang mga karapatan. Mainam ang pagsasama-sama upang maplantsa ang mga gusot sa ugnayan nila at ng mga may-ari ng kompanya. Ngunit, muli, hindi ito katanggap-tanggap kung gagamit ang unyon ng dahas lalo pa’t mga kasapi nito ang unang mapapahamak.
Mga Kapanalig, hindi ito ang unang pagkakataong naging marahas ang paggiit sa karapatan ng mga manggagawa at ang pagmamatigas ng isang pribadong kompanya. Kaya’t patuloy ang ating panawagang wakasan na ang mga hindi makatarungang palakad sa paggawa. Sa parte naman nating mga mamimili, nawa’y maging mas mulát tayo sa kalagayan ng mga manggagawang nasa likod ng mga tinatangkilik nating produkto. Huwag tayong maging kasabwat sa pagyurak sa dignidad ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtangkilik sa kanilang mga produkto ng mga kompanyang walang paggalang sa dignidad ng mga manggagawa.
Sumainyo ang katotohanan.