752 total views
Mga Kapanalig, kung inyong matatandaan, inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (o PDEA) at ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang anak ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos mahuling tumanggap ng parcel na naglalaman ng mahigit isang milyong pisong halaga ng high-grade marijuana o kush noong Oktubre ng nakaraang taon.
Nang pumutok ang balitang ito, maraming pumuna sa espesyal na pagtrato sa anak ni Secretary Remulla. Bakit daw hindi agarang isinapubliko ang detalye at impormasyon noong araw na inaresto at kinulong ang nakababatang Remulla? Bakit daw hindi siya sumailalim sa mandatory drug test? Bakit malabo ang mga mugshots na inilabas ng PDEA sa media gayong ang mga ordinaryong suspek ay ibinabalandra ng pulisya at PDEA sa mga press conferences?1 Sinagot ito ng PDEA at nilinaw na mayroon silang sinusunod na polisiya at protocol sa pagbubura ng mga litrato ng mga arestadong drug suspects. Bahagi raw ito ng constitutional right ng akusadong ituring siyang inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa batas. Hiling ng PDEA, maunawaan sana ng publikong ibinibigay daw ng PDEA ang “equal importance” sa karapatang pantao at due process.2
Kung mayroon naman palang protocol na sinusunod ang awtoridad, bakit tila hindi ito ginagawa kapag mga ordinaryong suspek ang kanilang hinuhuli? Bakit tila ngayon lang lumalabas ang kanilang pagpapahalaga sa karapatang pantao at tamang proseso ng pagtrato sa mga akusado at mga suspek? Pero sa kampanya kontra-droga ng nakaraang administrasyon, libu-libong biktima ang hindi man lang nabigyan ng pagkakataong dumaan sa due process. Libu-libo ang pinaslang dahil sila ay napagkamalan o kaya naman ay nanlaban.
Noong nakaraang linggo, Enero 6, pinawalang-sala ng korte sa kasong illegal drug possession ang anak ni Secretary Remulla. Ayon sa desisyon ng Las Piñas City Regional Trial Court Branch 197, nabigo ang prosekusyon na patunayang nagkasala si Remulla III. Hindi raw sapat ang ebidensya upang patunayang lumabag sa batas ang sinumang tumanggap lang ng package na may iligal na laman. Bigo raw ang prosekusyong ipakita ang ebidensyang alam ng akusadong iligal na drogaang natanggap niyang parcel. Hindi rin daw sumunod ang PDEA
sa chain of custody requirements dahil walang tumayong testigo nang isagawa ang imbentaryo sa naturang iligal na droga.3
Ayon sa mga eksperto sa batas ng Pilipinas, karaniwang umaabot ng lima hanggang pitong taon bago makapaglabas ng desisyon ang korte sa isang kaso ng droga.4 Kung ikukumpara sa mga kasong nakabinbin sa mga korte, napakabilis ng tatlong buwang pagproseso sa kaso ni Remulla III. Hindi tuloy maiwasang isipin ng maraming sadya yatang may kinikilingan at pinoprotektahan ang ating sistemang pangkatarungan. Tila mas pabor ang hustisya sa mga taong mayayaman at makapangyarihan, may pribilehiyong kumuha ng abogado, may kakayahang magbayad ng piyansa, at may kapit sa pamahalaan. Samantala, libu-libong mahihirap ang nagdurusa sa piitan habang naghihintay ng hatol sa kasong isinampa sa kanila.
Sa panlipunang turo ng Simbahan, nakaugat ang katarungan sa dignidad ng bawat tao. Kasabay ng pagkilala sa dignidad ng bawat tao ay ang pagkakaroon ng kamalayang dapat itinataguyod ito bilang isang komunidad, kung saan ginagawa ng pamahalaan ang responsabilidad nitong pairalin ang batas nang patas. Makakamit ang pagkakapatiran sa pamamagitan ng pagkilos ng mga indibidwal tungo sa kabutihang panlahat. Kung hindi ito mangyayari, mananatili ang hindi pagkakapantay-pantay na siyang nagpapahirap sa mas nakararami.5 Magkakaroon lamang tayo ng makataong lipunan kung paiiralin natin ang tunay na diwa ng katarungan kung saan kinikilala ang dignidad ng bawat tao, anuman ang kanyang katayuan sa buhay.
Mga Kapanalig, isabuhay nawa ng mga taong nagtatrabaho para sa katarungan—ang ating mga lider—ang paalala sa Levitico 19:15, “Huwag hahatol nang hindi makatarungan… huwag katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran.”
Sumainyo ang katotohanan.