194 total views
Mga Kapanalig, sino ang makalilimot sa trahedyang sinapit ng libu-libo nating kababayan sa Visayas noong manalasa ang Bagyong Yolanda walong taon na ang nakalilipas? Ngayong linggo naman, isang taon na mula nang magdulot ng malawak na pagbaha, pagkasira ng mga tirahan, at pagkawala ng buhay ang Bagyong Ulysses.
Laging inuugnay ang mga kalamidad na ito sa climate change na bunga ng patuloy na pag-init ng ating planeta. Ang pag-init namang ito, ayon na rin sa mga dalubhasa, ay dala ng mga gawain ng tao at mga industriyang nagbubuga sa ating hangin ng mga tinatawag na greenhouse gases. Hindi kakayanin ng isang bansang tugunan ang climate change kaya mayroong mga pandaigdigang pagpupulong na ginaganap at mga kasunduang pinagtitibay. Pinakahuli nga ang COP 26 o ang ika-26 na Conference of Parties to the UN Framework Convention on Climate Change.
Sa mga pagpupulong na ito, nagkakasundo ang mga bansang bawasan ang kani-kanilang greenhouse gas emissions upang mapanatili ang temperatura ng mundo sa antas na katanggap-tanggap. Sa Paris Agreement noong 2015, naging target ng mga bansang limitahan ang pagtaas ng temperatura ng ating daigdig sa 2 degrees Celsius. Kapag lumampas sa temperaturang ito, magiging lubhang mapaminsala ang mga heatwaves, tagtuyot, pagbaha, pagtaas ng sea level, at mga bagyo. May mga umalma sa target na ito katulad ng China, ang bansang may pinakamataas na carbon emissions, dahil magiging dagok daw ito sa ekonomiya nito.
Kaya naman, nagkaroon din ng mekanismo ang mga bansa upang tulungan ang isa’t isang bawasan ang kanilang greenhouse gases. Tinawag itong climate finance. Ang mga bansang maunlad ay nangakong magbibigay sa mga umuunlad na bansa o developing countries ng pantustos sa mga pamamaraan upang makamit din ang kaunlaran nang hindi gaanong nagdudulot ng greenhouse gases. Ang pondong kanilang ibibigay ay gagamitin din upang umangkop sa mga epektong dala ng nagbabagong klima. Aabot dapat sa 100 bilyong dolyar bawat taon ang ibibigay ng mga developing countries ngunit noong 2019, umabot lamang ito sa 80 bilyong dolyar.
Ang Pilipinas ang isa sa mga bansang dapat nakikinabang sa climate finance, lalo pa’t nagtaya ito ng 75% na pagbawas sa carbon emissions nito pagsapit ng 2030. Malaking bahagi ng target na ito ay makakamit sa pamamagitan ng climate finance, lalo pa’t napakaraming ibang pangangailangan ang dapat ding paglaanan ng pamahalaan. Sa inihain ngang pambansang badyet para sa 2022 na nagkakahalaga ng limang trilyong piso, nasa 284 bilyong piso lamang ang nakalaan para sa mga proyektong may kaugnayan sa pagtugon at pag-angkop sa climate change.
Bagamat maliit ang carbon emissions ng Pilipinas, hindi natin kailangang tahakin ang landas ng mayayamang bansa na kailangang sirain ang kalikasan sa ngalan ng kaunlaran. Sabi nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Laudato Si’, panahon na upang iwaksi ang mga modelo ng kaunlarang pumipinsala sa kalikasan. Magagawa ito kung tutulungan ng mauunlad na bansa ang mga mahihirap na bansang magkaroon ng mga patakaran at programang gagabay sa mga ito tungo sa mas malinis na uri ng pag-unlad. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagpondo sa mga proyektong magbibigay ng malinis na enerhiya, at sasanggalang sa mga komunidad na lantad sa pagbaha at iba pang mapaminsalang epekto ng climate change. Ito ang tinatawag ng Santo Papa na “differentiated responsibilities”, bagay na ipinahihiwatig din sa Mga Kawikaan 3:27: “huwag ipagkait sa kapwa ang kagandahang loob, kung ika’y may kakayahan na ito ay magawâ.”
Mga Kapanalig, ang bawat isa ay may tungkuling pangalagaan ang ating kalikasan kahit sa maliliit na paraan, ngunit huwag din nating kalimutan ang responsibilidad ng mga pamahalaan, lalo na ng mayayamang bansa, dahil umabot tayo sa puntong ito dahil sa kanilang kagustuhang umunlad at, sa maraming pagkakataon, sa kanilang kasakiman.