424 total views
Kapanalig, ang laban sa droga ng pamahalaan ay laging nasa center stage ng ating kamalayan ngayon. Mahirap siyang iwasan, huwag isipin, at huwag pansinin. Ang laban na ito ay kumikitil ng buhay ng mga maralitang Pilipino. Sa halip na droga ang mawaksi nito, tila maralita ang napupuksa nito.
Ang buhay ay mahalaga. Hindi tayo nagiging selective o mapili sa buhay na ating pinagtatanggol. Ang Simbahang katolika, ang buhay ay ginagalang at minamahal kahit na sa sinapupunan pa lamang ito. Kaya nga’t ang sadyang kamatayan, kahit pa mula sa kaninong kamay, ay ating kinokondena.
Dahil sa araw araw nating nakikita ang kamatayan sa ating paligid, nakakatakot na tayo ay masanay. Galit man tayo sa epekto ng droga at sa mga krimeng dala nito, ang Pilipino, kung iyong susuriin ay hindi uhaw sa paghihiganti. Hindi siya nanghihingi ng kapalit na dugo. Katarungan ang ating daing.
Sa panahon ngayon kapanalig, lumilitaw sa ating lipunan ang pinakamahalagang laban ng ating buhay. Hindi ito laban sa droga. Hindi rin ito ang laban sa kahirapan. Ito ay ang laban para sa tama. Ito ay laban para sa buhay.
Kapanalig, kung titingnan natin ang crime rate, bumababa ito ng 32% ayon kay Andanar. Tama lang na bumaba ito. Pero kung titingnan mo ang bilang ng mga bangkay na iyong nakikita araw-araw, mas dumami. Baka may kamamatay lang dyan sa kanto niyo noong isang araw. Tama ba ito?
Kapanalig, andaming mga sumuko sa mga barangay noon na drug users at drug pushers. Ayon nga sa mga pulis, lagpas sa isang milyon ang sumuko at ang bulko nito ay mga drug users habang mga 75,00 ay tulak. Karamihan sa kanila ay mahirap. Tama lamang ito. Ngunit tama lang din ba na ang maralita lamang ang umamin, sumuko, at makilala? Maralita lamang ba ang user at tulak ng droga?
Kapanalig, ngayon ay panahon ng paninindigan. Ang tama ay walang kinikilingang politico. Ang kabutihang gawa, kagalingan, ang pagiging disente ay hindi monopoliya ng kahit anong grupo o partido. Walang kulay ang laban para sa tama, walang partido ang laban para sa buhay. Ito ay hamon para sa ating lahat.
Kaya nga kahit gaano pa kaunti ang mga taong naninindigan para sa tama, nararapat lamang na tumayo tayong kasama sila. Ang pagtaguyod ng tama, ang pagmamahal sa buhay ay walang bahid ng politika. Ito ay paninindigan para sa ating dignidad bilang tao. Ito ang pinakamahalagang laban nating lahat. Ayon nga sa Challenge of Peace ng US Catholic Bishops: The human person is the clearest reflection of God’s presence in the world. At ang Evangelium Vitae ay nagpapa-alala rin sa atin: Life, especially human life, belongs to God; whoever attacks human life attacks God’s very self.