283 total views
Isinisi ng isang Obispo mula sa Hilagang Luzon ang hindi pagbabayad ng mga malalaking kumpanya sa kanilang electric bill at jumper system na naging sanhi ng mahigit na 3-bilyong pisong pagkalugi dahil sa nararanasang brownout sa Luzon.
Ayon kay Diocese of Laoag Bishop Renato Mayugba, dahil sa anomaly sa kalakaran ng Department of Energy, gayundin ang “jumper system” na hindi nila nasisiyasat ay kinakapos ang suplay ng kuryente.
Nanawagan si Bishop Mayugba sa pamahalaan na magsagawa ng pangmatagalang solusyon upang matigil na ang palagiang paglalagay sa Yellow Alert status ng Luzon Grid na ikinalulugi ng bansa at hinimok rin nito ang publiko na magtipid sa kuryente.
“Marami naman kasing hindi nagbabayad kasi ng kuryente yung mga malalaki minsan, I don’t know we don’t have facts. But yung haka – haka there is a lot also ng maling practices in the energy sector kaya maraming nawawala. Nandiyan na yung alam natin na nagja – jumper anomalous practices with the use of the energy. Kaya hindi narerecover yung tamang revenues for the improvement of the energy department…Napakaganda siguro kung may long term study and involvement ng lahat in the proper management of energy,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mayugba sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna na ring ibinabala ni Senador Sherwin Gatchalian ang inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority o PSA na tinatayang nasa P3.3-bilyong piso ang nawawala mula sa gross domestic product o GDP statistics sa unang bahagi ng taon dahil sa pagpalya ng mga planta ng kuryente.
Magugunitang nakasaad sa panlipunang katuruan ng Simbahan na laging isaalang – alang ang kabutihang pangkalahatan lalo na sa serbisyong ipinagkakaloob sa taumbayan.