84,566 total views
Mga Kapanalig, mapapabuntong-hininga na lang tayo sa latest na resulta ng Program for International Student Assessment (o PISA). (Natalakay na natin ito sa isang editoryal noong isang linggo, ngunit mainam na pag-usapan ulit.)
Sa 81 bansang kasama sa assessment na isinagawa ng Organization for Economic Co-operation and Development (o OECD), pang-77 ang Pilipinas kung pag-uusapan ang performance sa math, reading, at science ng mga mag-aaral nating 15 taong gulang. Kulelat tayo, ‘ika nga.
Malayo ang score ng Pilipinas sa global average. Sa math, ang score ng mga estudyante natin ay 355 points habang ang global average ay 472 points. Sa reading literacy, nakakuha ang Pilipinas ng score na 347 points, malayo rin sa global average na 476 points. Sa science, pangatlo tayo sa huli sa listahan ng mga bansa; 356 points ang nakuha ng mga mag-aaral natin kumpara sa global average na 485 points.
Ayon sa ating Department of Education (o DepEd), ipinakikita ng naging performance ng Pilipinas sa PISA na ang learning competencies o kakayahang matututo ng ating mga mag-aaral ay atrasado ng lima hanggang anim na taon. Ang bawat 20-point deficit o 20 puntos na diprensya ng score mula sa average na score ay katumbas ng isang taóng kabagalan sa pagkatuto ng mga mag-aaral na edad 15. Isa itong “uncomfortable truth,” pag-amin ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte. Pero, dagdag ng DepEd, dapat din daw tingnan ang ibang dahilan ng mababang scores natin sa PISA. Inaasahan naman daw nilang sa mga susunod na assessment ay makakikita tayo ng improvement sa PISA. Sana nga.
Nakababahala ang mababang proficiency o ang kahusayan ng mga estudyanteng Pilipino sa mga subjects na mahalaga sa pagiging produktibong kasapi ng kabataan sa modernong lipunan. Importanteng marunong tayo sa mathematics para maayos nating masuri ang impormasyon at makabuo ng mga lohikal na solusyon sa iba’t ibang suliranin. Mahalaga rin ang pagiging maalam sa science dahil tinutulungan tayo nitong maging mausisa at mapagtanong tungkol sa ating paligid. Ang reading naman—at kasama rito ang pag-intindi sa ating binabasa—ay mahalaga para sa malinaw na komunikasyon at matiyak na hindi tayo nabubulag ng kasinungalingan. Layunin ng edukasyong linangin ang mga kabataan sa mga larangang ito, hindi para memoryahin ang mga bagay-bagay kundi upang matuto silang mag-isip nang kritikal.
Katulad ng lagi nating naririnig na sinabi ni Gat Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero paano na ang ating kinabukasan kung nangungulelat sila sa math, science, at reading? Anong kinabukasan ang naghihintay sa atin?
Huwag nating asahan sa kabataan natin ngayon ang sagot sa mga tanong na ito. Tayong mga nakatatanda ang dapat na mag-isip-isip kung saan nga ba natin dinala ang ating mga mag-aaral. Marami nang pagbabago sa curriculum ng mga estudyante, ngunit marami pang kailangang pagbutihin. Iba’t iba na rin ang mga hamon sa mga mag-aaral, dala ng kulturang ating pinalalaganap at kanilang nadatnan. May kinalaman din dito ang paraan ng pagpapalaki sa ating kabataan ngayon. Maraming pagkukulang ang gobyerno, ang mga institusyon (kabilang ang Simbahan), at ang mga pamilya.
Gaya ng minsang sinabi ni Pope Francis, pundasyon ang edukasyon sa ating pagiging “dignified agents of their own destiny”—mga taong may dangal sa kanilang sariling kapalaran. Kung salat sila sa edukasyong de-kalidad at tutulong sa kanilang lumago sa hinarahap, hindi napahahalagahan ang dignidad na ito.
Kaya mga Kapanalig, gawin natin ang lahat—simula sa ating sariling tahanan—upang magkaroon ang ating kabataan ng edukasyong magmumulat at magpapalago sa kanila. Paalala nga sa Mga Kawikaan 16:16, “Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.”
Sumainyo ang katotohanan.