169 total views
Kinakailangang palakasin ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan para bantayan ang kaban ng bayan laban sa katiwalian.
Ito ang mungkahi ni Prof. Roland Simbulan, vice-chairman ng Center for People Empowerment and Governance (CENPEG) lalu na’t muling mangungutang ang bansa para sa mga isasagawang proyekto sa ilalim ng Dutertenomics.
Paliwanag ni Simbulan, maganda ang layunin ng Pangulong Rodrigo Dutere na paunlarin ang mga kanayunan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga imprastraktura na nakapaloob sa Dutertenomics.
Aniya, sakaling maisakatuparan ang proyekto ay makakatulong din ito para madecongest ang Metro Manila.
Mapapabilis din aniya ang komersyo at pagdadala ng produkto dahil sa mga itatayong paliparan, pantalan at tulay na mag-uugnay sa mga lugar.
Sinabi ni Simbulan, marami nang karanasan ang bansa sa magagandang proyekto subalit karamihan sa mga ito ay naantala at hindi naipapatupad ng maayos dahil sa katiwalian.
“Yung mga agencies COA, Ombudsman, dapat they have to strengthen so that we can prevent, avoid itong mga hindi magandang nagyari sa previous projects natin. the biggest the project are, the biggest possibility, you know there will be corruption the checks are not in place,” ayon kay Simbulan sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Kabilang na dito ayon kay Simbulan ang kontrobersya sa NBN-ZTE deal noong 2007 sa panahong ng administrasyong Arroyo na nagkakahalaga ng $329 B –at naisantabi dahil sa hindi dumaan sa bidding.
“Kasi sa experience nga natin sa mga infrastracture projects natin usually the higher the cost you have to pay for them eventually the more vulnerabler they are in corruption, maraming mga proseso na hindi sinusunod , maybe pinapaspasan yung proyekto. may mga tao na ika nga nakikinabang dito ang pinababayad ang taong bayan. we have a long list of projects, bigtime projects mula pa noong mga nakalipas na administrasyon,” dagdag pa ni Simbulan.
Sa isinagawang pag-aaral ng Global Financial Integrity noong 2014, umaabot sa P357 bilyong kada taon ang nawawalang pondo ng bayan dahil sa katiwalian-ang nasabing salapi ang sampung porsiyento na kabuuang budget ng bansa na maari sanang magamit sa mga programa at proyekto ng gobyerno.
Una na ring nanawagan ang Santo Papa Francisco sa panganib na dulot ng katiwalian na aniya’y pagkalimot sa pagkatao at patuloy na pagkagahaman sa kapangyarihan.