241 total views
Welcome development ang panawagan ni Manila archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na kumilos na laban sa death penalty sa pamamagitan na rin ng panalangin.
Ayon kay Rudy Diamante, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care, nagagalak din sila dahil sa sama-sama ang mga taong-Simbahan at mga layko na umaaksyon na para magbigay ng tamang impormasyon sa publiko hinggil sa kasamaan sa buhay ng parusang bitay.
“Welcome move yung ginawa ni cardinal na timely ang panawagan nya, of course ay yung mga magnilay, magdasal na siyang panawagan namin simula pa nung taong 1994 pa. We are happy to know that our bishops are taking the lead into opposing this. Marami ng dioceses ang nagkakaroon ng aksyon, actually hindi na nga panawagan kundi aksyon na tumututol dito. Sila’y naglalabas na ng tarpaulin, nagmo-momobilize ng kanilang mga lay people, kina-catechize kasi naniniwala kami na ang tamang pagbibigay ng impormasyon ay magpapalinaw sa kaisipan ng ating mga mamamayan, mga kapanalig, na hindi talaga tugon ang death penalty sa usapin ng krimen.” pahayag ni Diamante sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihimok din ni Diamante ang mga mananampalataya na ipanalangin ang mga mambabatas na anti-death penalty na manindigan sa kanilang ipinaglalaban kahit sila ay nasa ilalim pa ng pamunuan na nais ibalik ang batas na ito.
“Ipanalangin natin, doon sa ating mga kapanalig, ipanalangin po ninyo yung ating mga congressman na pakinggan po nila ang kanilang konsensya at gumawa sila talaga ng mga batas na ayon sa prinsipyo na kanilang pinaniniwalaan, hindi lamang yun bang, to please the towers to be able to get confessions from the president. Yung ganun ba.Kasi minsan ganyan yung basehan eh. Nakakalungkot no. At kung talagang change is coming, makinig sila dun sa tama.” dagdag pa ni Diamante.
Ayon kay Diamante, hindi dapat matakot ang mga mambabatas sa kanilang ipinaglalaban.
“Kasi marami sa ating mga congressman na kung tatanungin ang kanilang mga konsensya against talaga sila sa death penalty. Kaya lang, member sila ng partido, so etong leader ng partido sa pamumuno ng presidente at speaker of the house ay nagsasabing, “Oh, kung hindi kayo susunod eh di umalis na lang kayo. Mag-resign na lang kayo.” ayon pa kay Diamante.
Una ng sinimulan ang debate sa panukala (House Bill 4727) sa pagbabalik ng parusang bitay sa plenaryo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng ikalawang pagbasa kung saan iginigiit ng author nito na si Deputy Speaker Capiz Rep. Fredenil Castro na hindi ito laban sa buhay kundi proteksyon sa buhay ng mga inosenteng sibilyan.