132 total views
Magsasagawa ng isang malawakang pagkilos ang iba’t-ibang grupo sa ika-21 ng Setyembre upang manindigan para sa pag-iral ng demokrasya ng Pilipinas.
Ayon kay Nardy Sabino, Spokesperson ng Promotion of Church Peoples Response ang pagkilos ay bahagi ng paggunita sa deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos 46 na taon na ang nakakalipas.
Hinihikayat ni Sabino ang lahat na makiisa sa pagkilos na magsisimula sa isang banal na misa upang ipanalangin ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa bago magtipon-tipon sa Luneta ganap na alas-kwatro ng hapon.
“Iniimbitahan namin ang lahat na makiisa sa ating gagawin na misa sa ika-21 ng Setyembre bago pumunta sa malaking pagtitipon ng alas-kwatro sa Luneta…” paanyaya ni Sabino sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Sabino na layunin ng naturang gawain na maipakita ng mamamayang Filipino ang sentimiyento para sa kalayaan ng bansa mula sa iba’t-ibang banta ng diktadura at tiranya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
September 23, 1972 ng ipatupad ng Pangulong Marcos ang Martial Law o Batas Militar ngunit September 21, 1972 ang opisyal na petsang nakasulat sa Proclamation 1081.
Sa tala aabot sa higit 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos habang umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at rehimeng Marcos.
Ayon sa Kanyang Kabanalan Francisco “Ang Pulitika ay isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa kung saan ang pagtutuk sa common good o ang mas makabubuti para sa lahat ang dapat na mas inuuna at binibigyang halaga ng mga opisyal ng bayan.