703 total views
Kinakailangan ng bawat mamamayan ang pagkilala sa dignidad at karapatang pantao upang magkaroon ng maayos at payapang lipunan, ayon na rin sa 1963 encyclical na Pacem in Terris ni St. Pope John XXIII.
Muli namang binigyang tuon ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkondena sa mga polisiya na nagsasantabi sa mga karapatan ng mamamayan na dapat na umiiral sa isang demokratikong bansa.
Ito ang bahagi ng pahayag ng CHR sa obserbasyon ng United Nations Human Rights Committee sa pagsasakatuparan ng Pilipinas sa mga probisyong pangkarapatang pantao na nakapaloob sa International Covenant on Civil and Political Rights.
Sa pahayag ng komisyon ang pagsusulong ng Human Rights Defenders Protection Bill upang pangalagaan ang human right advocates sa bansa, kung saan kabilang sa tinukoy ng CHR ay ang patuloy na pag-iral ng red-tagging lalo na laban sa mga human rights defenders, mga aktibista, mga kritiko ng pamahalaan at mga lider ng ilang samahan ng mga uring manggagawa.
“We reiterate our call for the passage of the Human Rights Defenders Protection Bill, including an end to the practice of “red tagging” of human rights defenders, activists, and other advocates. We cannot and should never construe activism as an act of terrorism, but take it rather as a sign of the rich tradition of democracy that needs protection.” Ang bahagi ng pahayag ng CHR.
Paliwanag ng kumisyon, ang pagpuna sa paraan ng pamamahala sa bansa ay hindi dapat na ituring bilang terorismo sa halip ay bahagi ng kalayaan sa pagpapahayag na tinatamasa ng bawat isa sa isang demokratikong bansa.
Giit ng CHR, mahalaga ang papel na ginagampanan ng hudikatura upang magkaroon ng mabilis at patas na proseso sa pagbibigay katarungan sa iba’t ibang mga kaso ng karahasan at kawalan ng katarungan sa bansa.
“We highlight the role of an independent judiciary, including ensuring the fair and speedy disposition of cases and due process, so that “all violations are promptly, thoroughly, independently, and impartially investigated” and that victims receive justice as perpetrators are held to account.” Dagdag pa ng CHR.
Sumasang-ayon naman ang CHR sa pagpasa ng ilang mga batas na nagsusulong ng mga karapatan ng mga mamamayan kabilang na ang nagbabawal sa child marriage; ang anti-age discrimination in employment; anti-bullying; at ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act.