300 total views
Ang pandemyang ito ay hindi lamang nagdala ng sakit at kahirapan sa mga mamamayan, nagdala din ito ng ibayong kalungkutan, anxiety, at depression sa nakakarami. Ang pandemyang ito ay hindi lamang laban ng tibay ng katawan o lalim ng bulsa, naging labanan din ito ng damdamin.
Kapanalig, hindi natin matatatwa na kahit nagka-COVID man o hindi, ang mental at emotional toll, o ang bigat nito sa ating puso’t isipan ay minsan kay hirap dalhin. Sobrang kalungkutan at pag-aalala ang nadarama ng maraming tao – dahil ang pandemya ay tila death sentence ang hinahatol para sa kalusugan pati kabuhayan ng maraming tao.
Maraming pag-aaral ang nagpapakita na umakyat ang prevalence o bilang ng nakakaranas ng anxiety at depression mula March 2020 sa buong mundo. Sa ibang mga bansa, dumoble pa ito. Ang mga panahong pinakamataas ang anxiety o depresyon ay tuwing mas mataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa COVID, o sa mga panahong mahigpit ang mga mobility restrictions.
Ang nagpapalala pa nito ay ang mga disruptions sa mental health services sa panahon ng pandemya. Ayon nga sa WHO, napatigil o nagambala ng pandemya ang mga critical mental health services sa 93% ng mga bansa sa buong mundo habang umaakyat naman ang demand para dito.
Kapanalig, malalim ang problema na ito at mahirap malapatan ng solusyon. Ang hamon dito ay pagbibigay ng nararapat na aksyon na hindi lamang patse-patse o piecemeal. Komprehensibo dapat ang approach sa mental health dahil hindi ito gaya ng ordinaryong sakit ng ulo na mabigyan mo lang ng gamot ay giginhawa na ang pakiramdam. Ang anxiety at depression ay debilitating o nakakapanghina, at hindi lamang minsanan o gamot ang treatment o lunas.
Panahon na upang ating mapalawig pa ang mas malalim na pang-unawa sa anxiety at depression. Kapag nauunawaan ng lipunan na ang mga nararamdaman ng mga mamamayan nito ay hindi arte lamang, o isolated, o normal, kanya itong malalapatan ng agarang aksyon. Ang anxiety at depression ay hindi biro, at malaki rin ang implikasyon nito hindi lamang sa kagalingan ng indibidwal, kundi pati sa pamayanan nito at ang malakawang lipunan. Napakahalaga nito – ayon nga sa Evangelium Vitae, “Decisions that go against life sometimes arise from difficult or even tragic situations of profound suffering, loneliness, a total lack of economic prospects, depression and anxiety about the future.” Ang maayos na approach o pagharap ng lipunan sa anxiety o depresyon ay isa sa mga susi sa mabilis na pagbangon ng mga mamamayan sa anumang trahedya, gaya ng pandemya.
Sumainyo ang Katotohanan.