445 total views
Kumikilos na ang Diocese ng Gumaca sa lalawigan ng Quezon para magbigay ng tulong sa mga Parokya na mayroong mga residenteng nagsilikas at naapektuhan ng pagbaha.
Ayon kay Rev. Fr. Dondi Sayson, Social Action Director ng Diocese of Gumaca, nagbukas ang kanilang Parokya para sa mga residente na naapektuhan ng bgyo kung saan kumupkop din ang mga Simbahan ng mga evacuees.
Sinabi ni Fr.Sayson na una silang nagpadala ng ilang mga relief goods para makatulong sa mga Simbahan na mayroong evacuees magmula pa noong manalasa ang bagyong Pepito at ngayon ay muli silang nangangalap ng itutulong sa mga naapektuhan naman ng bagyong Quinta.
“Sa ngayon ay naka alerto naman ang mga parokya ng Catanauan, Pitogo, Calauag, at Lopez na naapektuhan din ng unang bagyo [Pepito] itong kay Quinta in-anticipate na nila ginawa nila yung mga tao pinatuloy sa kumbento gaya sa Catanauan para ma pre-empt na yung possible na pagbaha atleast nasa kumbento na sila.”Pahayag ni Fr. Sayson sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kabila nito nagpapasalamat ang Pari na hindi na nagdulot ng mas malawak na pinsala ang nasabing bagyo ganun pa man ay kinakailangan pa rin ng tulong ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha at pagkasira ng mga bahay o ari-arian.
“Nakapag deliver na kami last Saturday at Sunday yung aftermath ng kay Pepito pero ngayon yung kay Quinta naghahanap pa din kami ng possible na mapagkukunan ng relief goods.”
Maari aniyang maghatid ng tulong ang mga nais magbahagi ng pagiging mabuting Samaritano sa tanggapan ng Social Action Center sa Maharlika Highway sa Gumaca Quezon.
Samantala, kumikilos na din ang Diocese ng Libmanan sa Camarines Sur para magsagawa ng rapid assessment sa mga Parokya na nasa paligid ng Ragay Gulf.
Ayon kay Fr. Romulo Castañeda, Social Action Director ng nasabing Diyosesis, tutungo sila sa mga parokya na malapit sa dagat upang alamin ang pinsala ng bagyo at kalagayan ng mga nagsilikas na residente.
Sa mga post naman ng Facebook page ng Lipa Archdiocese Social Action Center o LASAC ay makikita ang pinsala ng bagyong Quinta sa Tingloy, Lobo at Ilijan Batangas kung saan naranasan ang malakas na hangin at pag-ulan matapos ideklara ang Storm Signal Number 3 sa lalawigan ng Batangas.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Radyo Veritas sa Diocese ng Virac sa Catanduanes, Diocese ng Legaspi sa Albay at maging sa Diyosesis sa Boac, Marinduque at Oriental at Occidental Mindoro para alamin ang sitwasyon sa mga nasabing lugar at pagkilos ng Simbahan.