1,788 total views
May 19, 2020, 10:29AM
Tiniyak ni Gumaca Bishop Victor Ocampo na tutulungan ng diyosesis ang mga nasalanta ng bagyong Ambo.
Sa panayam ng Radio Veritas, nagpalasamat ang obispo sa Diyos dahil wala gaanong nasira sa pananalasa ng bagyo na naramdaman sa lugar noong Biyernes, ika – 15 ng Mayo.
Sinabi ni Bishop Ocampo na nakahanda ang social action arm ng diyosesis sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan na bahagyang naapektuhan ng bagyo.
“Purihin ang Diyos! Minimal damage lang sa Gumaca town, our Social Action Center will help them [victims],” pahayag ni Bishop Ocampo sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Obispo ang ulat ni Rev. Fr. Rey Malimata ang kura paroko ng San Andres Parish na walang mga naitalang nasira sa nabanggit na lugar hindi katulad nang manalasa ang bagyong Tisoy noong Disyembre na labis ang pinsala sa Quezon province.
Sa ulat, tatlong bahay sa tabing dagat habang walong bahay naman sa kanlurang bahagi ng Gumaca ang bahagyang nasira dulot ng malakas na hanging taglay ng bagyong Ambo.
Dagdag pa ng obispo na sa bayan ng Mulanay 20 pamilya ang kinanlong ng parokya habang 200 indibidwal naman sa Catanauan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Ipinagpasalamat din ni Bishop Ocampo sa Diyos na walang naitalang nasawi sa kanilang lugar bunsod ng bagyo habang nag-alay naman ito ng mga panalangin para sa mga residenteng higit na naapektuhan partikular sa Eastern Samar at ilang lalawigan sa Visayas.