36,139 total views
Patuloy ang isinasagawang assessment ng Diocese of Tagum kaugnay sa pinsalang idinulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao del Norte at Davao de Oro.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Rev. Arvin Uriat, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng diyosesis sa mga kinasasakupang parokya upang matukoy ang sitwasyon ng mga apektadong pamilya.
Sa situation report ng diyosesis, nasa 19,300 pamilya o 67,300 indibidwal sa Davao de Oro ang apektado ng sama ng panahon, habang nasa higit 117-libong pamilya o 518-libong indibidwal naman sa Davao del Norte.
“Marami po talagang affected, halos lahat po kami dito sa Davao de Oro, Davao del Norte, at kahit nga po sa Davao Oriental, affected po talaga lahat. Kaya nga po pahirapan maghatid ng mga ayuda, ng tulong. Bukod po sa mga daanan, marami pong mga tulay na hindi na madaanan. Na-damage ang hanging bridge at tsaka ‘yung main bridges,” ayon kay Rev. Uriat.
Ibinahagi naman ng diyakono na patuloy din ang search and retrieval operation sa naganap na landslide sa bahagi ng Masara, Maco, Davao de Oro kung saan natabunan ang dalawang bus lulan ang mga empleyado ng Apex Mining Company.
Sa huling ulat ng Eastern Mindanao Command, 86 empleyado ang pinangangambahang natabunan ng lupa, kung saan 45 na ang nailigtas habang 41 naman ang nawawala pa rin.
Humihiling naman ng panalangin ang diyosesis para sa kaligtasan ng mga biktima ng sama ng panahon lalo na ang apektado ng landslide.
Gayundin ang patuloy na panawagan ng tulong at donasyon para sa mga apektadong pamilya na nananatili pa rin sa evacuation centers.
“Sa ngalan po nina Bishop Medel Aseo at Social Action director Fr. Jojit Besinga, humihingi po kami ng tulong sa mga tao na kung pwede po ay matulungan po ang mga tao dito sa Davao de Oro, Davao del Norte, at tsaka sa Davao Oriental. Humihingi rin po kami ng dasal po sa inyo kasi hindi pa po kami nakaka-recover doon sa sunod-sunod na ulan noong mga nakaraang araw, ngayon naman po ay may landslide,” panawagan ni Rev. Uriat.