403 total views
Nakahanda na ang Diocese ng Virac, Catanduanes sa posibleng pananalasa nang binabantayang bagyong Ulysses.
Ayon kay Fr. Renato “Atoy” dela Rosa, Social Action Director ng Diyosesis, nagsagawa na ng preventive evacuation ang mga lokal na pamahalaan ng lalawigan at paghahanda ng mga maaaring ipamahaging tulong sa mga maaapektuhang pamilya.
Problema naman ng Diocese ang kakulangan ng mga evacuation building para maging pansamantalang matutuluyan ng evacuees.
Dahil dito, nanawagan si Fr. dela Rosa sa mga may-ari ng tahanan na handang tumulong at magpatuloy ng mga residenteng higit na maaapektuhan ng bagyo.
“Problem po ang mga evacuation buildings. Kaya nanawagan uli sa dati[ng] ginawa [noong] bagyong Rolly na sa mga bahay na [pwede] maka-accommodate ng evacuees,” ang pahayag ni Fr. dela Rosa sa panayam ng Radyo Veritas.
Humihiling naman ng panalangin ang diyosesis na i-adya sa kapahamakan ang mamamayan.
Umaapela din ang Pari ng tulong sa pagbangon ng mga apektado ng magkasunod na bagyong Quinta at Rolly.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang bagyong Rolly ang ikalawang super typhoon category na nanalasa sa Pilipinas kasunod ng super typhoon Yolanda na puminsala naman sa Eastern Visayas region noong 2013 kung saan mahigit sa 6,000 katao ang naitalang nasawi.