336 total views
Tinugunan ng Caritas Manila sa pamamagitan ng programang Caritas In Action sa Radyo Veritas ang apelang tulong ng Daughters of Mary Help of Christians St. John Bosco.
Naunang umapela ng tulong ang Daughters of Mary Help of Christians St John Bosco para sa kanilang mga kawani na nawalan ng trabaho at naapektuhan ng pandemya.
Ayon kay Sr. Dolor Reyes FMA, superior ng Ladies Dormitory sa Pius XII Catholic Center, ilan sa kanilang mga empleyado ang hindi pa rin makapasok sa trabaho dahil sa kawalan ng mga tenants at umookupa sa kanilang dormitoryo.
Bagamat sinisikap ng kanilang kongregasyon na mairaos ang pang-araw araw ng mga apektadong empleyado ay hindi na rin sumasapat ang kanilang kakayanan dahil sa kawalan ng mapagkukunan ngayon may pandemya.
Dahil dito nakipag-ugnayan si Sr. Dolor sa Caritas Manila at sa programang Caritas in Action sa Radyo Veritas upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga kawani sa dormitoryo na dadalawa na lamang ang natirang umookopa mula sa bilang na 80.
“Ang Pius XII kasi may Dormitory, meron maliit na Hostel para sa mga estudyante, sa mga Professional, sa mga Seafarers, wala po nag-house ngayon dahil sa COVID, dahil walang income na force tuloy kami na mag-skeletal muna hanggang nung mag ECQ hindi muna sila pinapasok kaya lang tumatagal ng tumagal, ganun sila ka apektado eh may mga pamilya sila kaya naisip namin na humingi ng tulong” pahayag ni Sr. Dolor sa panayam ng programang Caritas in Action.
Inihayag ng Madre na ilan sa kanilang mga empleyado ang nakikiusap at patuloy na lumalapit na magkaroon ng tulong dahil sa kawalan ng mapagkukunan ng pangtawid sa araw-araw.
“Talaga namang apektado dahil sila wala naman makain na kaya yun ang nagiging problema nila kaya nagsasabi sila sa amin na hirap na hirap sila nangungutang at bumabale na para lang maka-abot sa pang araw araw na kain at gastos.” Dagdag pa ni Sr. Dolor.
Agad na tumugon ang Caritas Manila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga food pack at tig-1000 na gift certificates para sa mga nawalan ng trabaho sa dormitoryo.
Ipinagpapasalamat ni Sr. Dolor ang naging maagap na pagtugon ng social arm ng Archdiocese of Manila.
“Ang Caritas [Manila] napakadali nilang kausap, dumaan lang po ako sa tamang proseso talagang sila po ay willing magbigay, today po nakakuha kami ng mga manna bag sa Caritas lahat po ng pinakiusap namin nabigyan po maraming salamat po tuloy nyo po ang pagtulong sa Caritas marami po na mahihirap lalo na ang pamilya na nangangailangan na nararating po nila.” Masayang pagbabahagi ng tagapamuno ng nasabing dormitoryo sa Pius XII Center.
Kaugnay nito, bukas din ang kongregasyon ng ang Daughters of Mary Help of Christians St John Bosco para sa ano mang pagtulong para sa mga madre at mga senior citizen na nasa kanilang pangangalaga.
Para sa ano mang tulong o donasyon ay maaring makipag-ugnayan sa Pope Pius XII Center sa U.N Avenue Manila.
Bukod sa dormitoryo o hostel na nasa pangangalaga ng mga Salesian Sisters ay kilala ang Pope Pius XII bilang lugar kung saan ginaganap ang biannual plenary ng mga Obispo sa Pilipinas at nagsisilbi din command center ng PPCRV tuwing panahon ng eleksyon.