16,614 total views
Suportado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang hakbang ng Archdiocese of Lipa na maging international shrine ang National Shrine of San Padre Pio sa Santo Tomas Batangas.
Sa ginanap na press conference ibinahagi ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na sinang-ayunan ng buong kalipunan ang aplikasyon ng pambansang dambana na maaprubahan ng Vatican bilang international shrine.
“Once approved by Rome, it is going to be the second international shrine in the Philippines,” ayon kay Bishop David.
Ayon sa obispo ito ang isa sa tinalakay at napagkasunduan ng mga obispo sa katatapos na 128th plenary assembly ng CBCP na ginanap sa Chali Conference Center sa Cagayan de Oro City, ang kauna-unahan sa Mindanao.
Pinagtibay ng CBCP ang hangarin ng arkidiyosesis na mas palakasin ang misyon ng pambansang dambana na maging kanlungan ng mga deboto ni Padre Pio at mananampalatayang nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at ibayong dagat na bumibisita sa lugar.
Taong 2003 nang maitatag ang dambana at itinalagang archdiocesan shrine makalipas ang limang taon habang 2015 naman ng itinalaga ng CBCP ang simbahan bilang national shrine kung saan nakadambana ang ilang first-class relic ng santo.
Matatandaang June 2022 nang aprubahan ng Vatican ang kauna-unahang international shrine sa Southeast Asia at Pilipinas ang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa lalawigan ng Rizal kung saan isinagawa ang solemn declaration noong January 2024 sa ritong pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.