413 total views
Humiling panalangin si Ilagan Bishop David William Antonio para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Apostolic Vicariate of San Jose Occidental Mindoro Bishop Emeritus Antonio Palang.
Pumanaw si Bishop Palang sa edad na 74 na taong gulang dahil sa cardiac arrest.
“We, in the Apostolic Vicariate of San Jose Occidental Mindoro, inform you of the demise of our dear Bishop Emeritus Most rev. Antonio Pepito Palang, SVD, D.D; Let us fervently pray for Bishop Palang’s eternal repose in God’s loving embrace,”mensahe ni Bishop Antonio sa Radio Veritas.
Batay sa impormasyong ibinahagi ni Bishop Antonio, ala 1:29 ng hapon nitong Abril 21, 2021 nang pumanaw si Bishop Palang sa cardiac arrest pagkatapos ng dialysis session sa Cebu Doctors Hospital sa Cebu City.
Magugunitang Marso 2018 nang tinanggap ni Pope Francis ang pagbitiw ni Bishop Palang bilang obispo ng bikaryato apat na taon bago maabot ang mandatory age retirement na 75 taong gulang.
Agad namang itinalaga ni Pope Francis noong 2018 si Bishop Antonio bilang obispong tagapangasiwa sa bikaryato hanggang sa kasalukuyan.
Si Bishop Palang na ipinanganak noong Hunyo 13, 1946 sa Consolacion Cebu ay inordinahang pari sa ilalim ng Society of the Divine Word noong Hulyo 8, 1972.
Hunyo 2000 nang italaga si Bishop Palang ni Pope John Paul II bilang paring tagapangasiwa ng Apostolic Vicariate ng San Jose sa Mindoro kasunod ng pagliban ni Bishop Vicente Manuel hanggang tuluyan na itong magbitiw noong Oktubre 2000.
Marso 2002 nang pormal na itinalagang obispo sa bikaryato habang Mayo 31, 2002 inordinahan at opisyal na iniluklok bilang bagong obispo ng Occidental Mindoro.
Bukod sa San Jose Occidental Mindoro nanatiling bakante ang Archdiocese ng Capiz, Diyosesis ng Alaminos at Malaybalay at ang Apostolic Vicariate ng Taytay Palawan.