187 total views
Inihayag ni Radio Veritas Vatican respondent Father Greg Gaston – Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma na muling magkakaroon ng Apostolic journey ang Kanyang Kabanalan Francisco sa Myanmar.
Paliwanag ng Pari, ang kontinente ng Asya ay sadyang malapit sa puso ng Santo Papa dahil dito isinilang si Hesus na nagtatag ng pananampalatayang Kristiyano.
Sa katunayan, ibinahagi ni Father Gaston ang pagnanais ni Pope Francis na matalaga sa Asya noong siya’y isa pang Paring Heswita.
“Alam niyo naman mahal na mahal nya [Pope Francis] yung Asia at kung tutuusin kasi ang Christianity saan bang continent nagsimula? Si Jesus saang continent siya? Ang Holy Land ay sa Asia, pinanganak si Jesus sa Asia,”pahayag ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito hinimok ni Father Gaston ang mga mananampalataya sa Asya na ipagdasal din ang Santo Papa dahil sa bigat ng tungkuling naka-atang sa kanya bilang Ama ng Simbahang Katolika.
“So si Pope Francis naman nung nasa Argentina pa siya nung Jesuit siya gusto niyang makapunta sa Asia o ma-assign sa Asia although hindi siya natuloy kaya ngayon isa sa mga unang trips niya nung naging Pope pumunta sa Korea, Philippines, Sri Lanka. Talagang mahal na mahal niya ang Asia kaya ipagdasal din natin siya dahil ang dami niyang trabaho dito,” dagdag pa ng Pari.
Ayon sa Vatican Statistical Yearbook umabot na sa mahigit 1.285 bilyong Katoliko ang nasa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Naitala ang halos 49-porsiyento ng mga katoliko ang naninirahan sa North at South America, 22.2-percent sa Europa, 17.3-porsiyento sa Africa at 11-porsiyento sa Asia.
Kinilala naman ni Fr. Gaston ang Asya bilang isa sa pinaka-relihiyosong kontinente dahil dito din matatagpuan ang ugat ng iba pang relihiyon sa mundo tulad ng Hinduismo, Budismo, at Muslim.