391 total views
Patuloy na bumabangon ang Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa sa Palawan mula sa epekto ng bagyong Odette.
Ito ang tiniyak ni Rev. Fr. Jasper Lahan, ang tagapamuno ng Typhoon Odette Response ng Bikaryato.
Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Fr. Lahan, patuloy silang umaalalay sa mga naapektuhan ng bagyo una sa pamamagitan ng relief distribution at ngayon ay sa bahagi naman ng rehabilitation ng mga nasirang mga bahay.
Sinabi ni Fr. Lahan na kumikilos na ang kanilang tanggapan upang makapagbahagi ng tulong sa mga nasira ang mga tahanan dahil sa bagyo katuwang ang Caritas Manila.
“Ngayon po syempre bilang Simbahan, tayo ay nag susumikap na itaguyod at tulungan ang mga nangangailangan, kaya tayo tumutugon gawa po ng ating ugnayan with Caritas Manila ang projects nila ay kami po ang nag-i-implement dito sa Bikaryato tulad ng relief and rehab,” pahayag ng Pari sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinagpapasalamat ni Fr. Lahan ang pagtugon ng mga mananampalataya sa kanilang pangangailangan at maging ang kagustuhan ng kanilang mga kababayan na tumulong sa mga isinasagawang relief.
“Ang kabutihan lang din po na nagyayari ngayon ay overwhelming ‘yun response ng volunteers kahit may pandemya pero kapag pagtulong sa kapwa pag-aayos ng mga goods napakarami po ng mga nagvo-volunteer, ‘yan po ang isa sa pinagpapasalamat namin, ‘yun social awareness ng mga Kristiyano na kapag mayroon kailangan tugunan sila po ay nagsusumikap na makibahagi ng pamimigay ng mga goods.”
Ipinahayag ni Fr. Lahan na bukas ang kanilang tanggapan at ang Bikaryato ng Puerto Princesa para sa lahat ng nais magbahagi ng tulong at makibahagi sa kanilang mga ginagawang pagtulong para sa mga naapektuhan ng bagyo.
Magugunitang bago ang Kapaskuhan ng taong 2021 ay labis na napinsala ang ilang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao dahil sa pananalasa ng bagyong Odette at hindi rin nakaligtas dito ang Palawan na huling tinamaan ng bagyo.
Tinatayang aabot sa 1.2 milyong inidibidwal ang napinsala ng bagyong Odette sa bansa.