180 total views
Pinangunahan ni Bishop Socrates Messiona, Obispo ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa, ang dalawang araw na tree planting activity sa Brookes Point, Palawan noong ika-19 hanggang 20 ng Nobyembre,2018.
Kasama ni Bishop Messiona sa pagtatanim ng mga puno ang lokal na tribong naninirahan dito na mga Palaw’an, at mga Agustinian Missionaries of the Philippines Indigenous Peoples Mission.
Bago pa ito, nakapagtanim na ng halos 2,000 mga puno ang simbahan ng Puerto Princesa sa Sitio Sagpake’n, Barangay Mainit at Sitio Bayog, Aribungos na bahagi ng Mount Matalingahan na isang protected landscape at kinapapalooban din ng ancestral domain.
Ang programang ito ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa ay naglalayong makapagtanim ng 10,000 mga puno bilang pagtugon sa hamon ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical nitong Laudato Si.
Read: Pagpapanagot sa mining company na kumalbo sa Brooke’s Point, suportado ng Simbahan
Matatandaang noong Mayo 2017 ikinagulat ng lahat ang iligal na pagputol ng Ipilan Nickel Corporation sa 15,000 mga puno na nakasasakop sa 10-hektaryang natural forest.
Ito ay sa kabila ng kanseladong Environmental Compliance Certificate ng kumpanya.
Kabilang sa mga pinutol na puno dito ay mga century old trees.
Sa Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis, kinokondena nito ang kawalang katarungang ginagawa ng mayayamang kumpanya ng minahan sa mahihirap na komunidad, dahil lalo lamang itong nagdadagdag ng pasakit sa mga mamamayan.