444 total views
Umaapela ng tulong ang Apostolic Vicariate of San Jose Occidental Mindoro dahil sa nararanasang mga pagbaha at paglindol sa nakalipas na 24 na oras.
Ayon kay Rev. Fr. Rolando Villanueva, Social Action Director ng San Jose Mindoro, kasalukuyang silang nakakaranas ng matinding pagbaha partikular na sa bayan ng Sablayan.
Inihayag ng Pari na hanggang sa kasalukuyan ay wala ring elektrisidad sa malaking bahagi ng kanilang lugar at apektado ang maraming mamamayan dahil sa malawakang pagbaha habang sumabay din ang malakas na lindol kaninang madaling araw.
“Mataas po ang tubig at hindi kaya ng service namin, bukas isang Misa lang ako tapos iikot na muli kung kaya ng service ko, kahapon nag-motorboat lang sina Governor Gadiano para makapasok at maghatid ng tulong,” mensahe ni Fr. Villanueva sa Radio Veritas.
Nagdulot din ng pangamba at pagkabahala sa mga residente nang maramdaman naman ang Intensity V na paglindol.
“Ang katabi namin ay affected din, ‘yong Sta. Cruz, Sablayan po ang malaking apektado, malakas din ‘yong lindol kaninang madaling araw – the strongest that I felt since I arrived here,” dagdag pa ng Pari at kura Paroko ng St. Joseph the Worker Parish.
Umaasa si Fr. Villanueva na mabigyan ng pansin ang kanilang mga pangangailangan lalo na sa bahagi ng mga basic needs gaya ng pagkain.