219 total views
Umapela ng tulong at panalangin si Apostolic Vicariate of Tabuk Bishop Prudencio Andaya para sa kanyang mga kababayan matapos mapinsala ng Super Typhoon Lawin.
Ayon kay Bishop Andaya, nangangailangan ng tulong ang ilang mga mission station o parokya sa Kalinga at Apayao na nananatili pa rin isolated at hirap ang komunikasyon.
“The Missions of Kabugao and Conner in Apayao and that of Tinglayan, Lubuagan, Pasil, Tanudan and Pinukpuk in Kalinga are isolated at the moment either due to landslide or busted communication signals,” mensahe ni Bishop Andaya.
Ikinalungkot din ng Obispo ang pagkasawi ng ilang mamamayan at hiniling na ipagdasal ang lahat ng mga naapektuhan na makabangon mula sa epekto ng bagyo.
“Let’s all pray for strength so that we shall overcome this by supporting and helping each other especially the members and families of our Kakailyan who died in this tragic incident,” panawagan ni Bishop Andaya.
Nitong Sabado ay ideneklara sa ilalim ng state of calamity ang Kalinga,Apayao matapos na umabot sa mahigit 10 Milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo sa mga palayan at taniman sa lalawigan.
Tinatayang aabot din ng halos dalawang buwan bago tuluyang maibalik ang linya ng elektrisidad sa lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Rev. Fr. Roman Macaiba, Social Action Director ng Kalinga-Apayao na may ilan nang isolated area ang napasok ng tulong ngunit suliranin pa rin ng mga residente ang pagpapagawa ng kanilang mga bahay at pagbangon sa kanilang kabuhayan.
“So far bukas na ang isolated area ng Kalinga, in terms of tulong hindi pa masabi but karamihan ng mga tao lalo na ang totally at partially damaged ang mga bahay nila materials at para sa agriculture ang kailangan nila,” pahayag ni Father Macaiba sa Radio Veritas.
Tinatayang mahigit 48 libong pamilya o mahigit 228 libong indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Lawin sa limang rehiyon sa Luzon.