260 total views
Labag sa Saligang Batas ang panukalang pagtatalaga na lamang ng mga lokal na opisyal ng baranggay at pagpapaliban ng Baranggay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Romulo Macalintal – Election Law Expert, kaugnay sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapaliban sa nasabing halalan at pag-a-appoint na lamang ng mga bagong opisyal ng barangay.
Paliwanag ni Atty. Macalintal, malinaw na nasasaad sa Saligang Batas na ang mga Local Officials kabilang na ang mga Barangay Officials, mga gobernador, mayors at mga konsehal ay mga ‘Elective Officials’ na dapat ay dumaan sa halalan at iboto ng sambayanan.
“Yang pagtatalaga sa pamamagitan ng batas o anumang executive order ng mga barangay officials ay labag sa Saligang Batas, kasi maliwanag sa ating Saligang Batas na ang mga Barangay Officials katulad ng mga gobernador at ng mga mayors at mga konsehal ay mga ‘Elective Officials’. Sinasabi ng Saligang Batas na yang mga Barangay Officials, yang mga provincials, mga municipal, mga city officials ay mga local government units sila, sila ang head at sila ay dapat na dumaan sa halalan kaya yung sinasabing na aamyendahan daw yung local government code mali yun, ang dapat amyendahan para magkaroon ng appointment ay amyendahan natin ang Saligang Batas…”pahayag ni Atty. Romulo Macalintal sa panayam sa Radio Veritas.
Dagdag pa ni Atty. Macalintal, dapat malaman ng mga mambabatas na nagsusulong ng pag-amyenda sa Local Government Code ay labag sa Saligang Batas o unconstitutional dahil sa malinaw na sinasabi ng Konstitusyon na dapat inihahalal ang mga lokal na opisyal.
Bukod dito, dapat din aniyang mapagtanto ng mga nagsusulong ng naturang panukalan na kabilang rin sa nasasaad sa Local Government code ang mga posisyon ng governors, mayors at mga konsehal.
Kaugnay nito, nanawagan na rin sa pamahalaan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na kinakailangang dumaan sa tamang proseso at may sapat na batayan ang panukalang muling pagpapaliban sa Baranggay at Sangguniang Kabataan Elections lalo na’t nasasaad sa batas at sa umiiral na demokrasya na ang eleksyon ang pangunahing paraan ng paghahalal ng mga opisyal ng bayan maging sa mga barangay.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika, hindi nararapat balewalain ang kasagraduhan ng pagboto, bilang isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.
Sa tala ng COMELEC, mayroong higit sa 17,700 ang bilang ng mga lokal na opisyal sa buong bansa, kabilang na ang mga governors, vice governors, provincial board members, city mayors, city vice mayors, city councilors, municipal mayors, municipal vice mayors at sangguniang bayan members.