161 total views
Minsan isang umagang kay panglaw sikat at busilak ng araw aking tinatanaw ako ay gininaw sa malagim na katotohanan hindi pa rin papanaw at patuloy pang hahataw pananalasa nitong pandemya; Kahit mayroon nang bakuna dumarami pa rin mga nahahawa isang paalala maaring lumala pa bago humupa at tuluyang mawala na.
Noon din ay aking namataan mga tumutubong halaman sa kapaligiran tila nagsasabi huwag susuko magpatuloy sa paglago ano man ang panahon tagtuyot o pag-ulan manatiling luntian maski mga dahon lamang saka na mga bulaklak at bunga.
Pinakamahalaga manatiling buhay at umunlad sa gitna ng karahasan aral ng mga halaman sa ati'y kay lalim at napakayaman sa kahulugan na maari nating tularan at gamiting aral na gagabay sa ating buhay ngayong panahon ng pandemya.
Sa lahat ng halaman na lubos kong kinagigiliwan bukod sa hindi ko kailangang mga ito ay alagaan ay ang mga lumot sa sumusulpot maski sa mga sulok-sulok na kahit malimot tutubo at lalago, kakapal parang alpombra sa mga paa!
Hindi gaanong naabot ng liwanag itong lumot ngunit kay lamig sa paningin kay gandang tanawin kung ating susuriin nagsasabi sa atin ng himig ng lilim at dilim tinig na mahalumigmig; hindi man masikatan ng araw mayroon din busilak sa kadiliman!
Paalala sa atin ng mga lumot ngayon ang panahon ay masalimuot katotohanan at kagandahan nitong ating buhay bumubukal saan man malagay; Maykapal sa ati'y hindi humihiwalay pahalagahan at pangalagaan lahat ng ating taglay dahil walang kapantay ating buhay, mas makulay sa ano mang halaman lalo't higit sa lumot huwag sanang iyan ay malimot.