348 total views
Pormal nang ipinag-utos ng Arkidiyosesis ng Maynila ang pagtanggal sa arancel system sa mga simbahan.
Batay sa inilabas na decree ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, simula sa Abril 14, 2021 ay wala nang ipapataw na fixed rates sa mga sakramento ng simbahan tulad ng binyag at kumpil.
“In view of the foregoing, we hereby decree that beginning April 14, 2021, there will be no longer be any fixed rates for the celebrations of the sacraments of baptism and confirmation and for the offering of Mass intentions in the churches in the Archdiocese of Manila,” bahagi ng pahayag ng arkidiyosesis.
Matatandaang 2017 nang maglabas ng pastoral letter ang Ecclesiastical Province of Manila hinggil sa ‘stewardship’ at ang pagtanggal ng arancel syste, batay na rin sa Second Plenary Council of the Philippines.
Muli rin itong pinagtibay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang kaloob ng simbahan sa mananampalataya sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity.
Sa kabila nito hinimok ng simbahan ang mananampalataya na magbigay ng abot ng kanilang makakaya upang matulungan ang pagpapatakbo ng simbahan at mga kawani nito.
“Donations, however, from the faithful for the support of their church are encouraged,” dagdag pa ng arkidiyosesis.
Patuloy naman ang paghahanda ng arkdiyosesis sa ‘stewardship program’ at sa tuluyang pagbuwag ng arancel system upang mabigyang daan ang mananampalataya sa pagtanggap ng mga sakramento.
Ilang mga diyosesis na rin sa bansa ang nagtanggal ng arancel system tulad ng Diyosesis ng Balanga at mga diyosesis sa Visayas at Mindanao.