12,522 total views
Mga Kapanalig, ilang beses na tayong nakapanood sa balita ng mga kababayan nating kinilala ang kanilang katapatan. Halimbawa, ilang linggo na ang nakalipas, pinarangalan ang security guard na si Gilren Bajado. Isinauli niya kasi ang bag ng isang customer sa mall kung saan siya naka-duty. Naglalaman ang napulot niyang bag ng ₱64,000 at mahahalagang ID. Malaking halaga ito, ngunit hindi ito pinag-interesan ng lady guard. Tiniyak din niyang nabawi ng may-ari ang bag.
Saludo tayo sa mga kababayan nating nagsasauli ng mga bagay na hindi sa kanila. Lalo silang kahanga-kahanga dahil sa hirap ng buhay ngayon, tiyak na malaking tulong ang pera o gamit na natagpuan nila at napapadpad sa kanilang mga palad. Pero hindi sila nagpatukso. Mas nangibabaw sa kanila ang tapang na piliin ang tama at mabuti.
Ang paggawa ng mabuti ay maituturing na kabanalan. Sa apostolic exhortation na Gaudete et Exsultate, sinabi ni Pope Francis na lahat tayo ay tinatawag na maging banal sa pamamagitan ng pamumuhay nang may pagmamahal at sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa lahat ng ating ginagawa, saan man natin matatagpuan ang ating sarili. Kung tayo raw ay naghahanapbuhay, maaari tayong maging banal sa pamamagitan ng paggawa nang may integridad at paglilingkod sa ating mga kapatid. Ganito ang ipinamalas ni Gilren Bajado.
Ngayon ay Araw ng mga Santo o All Saints Day. Isa itong okasyon para sa ating mga Katoliko upang ipagdiwang at parangalan ang mga santo o mga tao sa langit (na-canonize man o hindi), na namuhay nang may kabayanihan, nag-alay ng kanilang buhay para sa iba, o naging martir para sa pananampalataya, at karapat-dapat na tularan. Ngunit tandaan nating ang mga santo ay hindi mga perpektong tao. Sila ay mga taong nakatagpo ang Diyos sa kanilang buhay. Sila ay nagsikap na bigyang-puwang sa kanilang buhay ang Panginoon nang ang Kanyang liwanag ay dumapo sa kadiliman ng kanilang kasalanan.
Sa araw na ito, hindi lamang natin pinararangalan ang mga nakarating na sa langit. Ipinaaalala rin sa atin ng okasyong ito na may mga tao—ang ilan ay maaaring kilala natin—na, sa pamamagitan ng kanilang araw-araw na kabalanan, ay nakikibahagi sa pagkilos ng Diyos sa ating mundo. Ang araw-araw na kabanalang ito ay matutunghayan natin sa sermon ni Hesus sa bundok, ang Ebanghelyo (mula sa Mateo 5:1-12) para sa araw na ito. Katulad ng mga santo, pinagpapala ang mga nakararanas ng kasiyahan sa gitna ng pagdadalamhati o pagdurusa. Pinagpapala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, ang mga mapagpakumbaba, at ang mga mahabagin. Pinagpapala ang mga may malinis na puso, at ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan. Pinagpapala ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos, kahit pa usigin sila dahil dito.
Kapag sinusubukan nating isabuhay ang mga turong ito ni Hesus, nakasasama tayo ng Diyos sa pagtatatag ng Kanyang kaharian sa mundo. Sa ganitong paraan, nakatutugon tayo sa tawag na maging banal. Hindi ito madali sa mundong kinalalagyan natin. Napakahirap, halimbawa, na magkaroon ng malinis na puso—na piliin ang tama at matuwid, na maging matapat, na pigilan ang tuksong lamangán ang ating kapwa—lalo na’t tila bihira ang mga katangiang ito sa mga namumuno at inaasahan nating maging mabuting ehemplo. Ngunit huwag sana tayong panghinaan ng loob.
Mga Kapanalig, sa kanya-kanya nating paraan, pagsikapan nating maging banal. Ang kabanalan, dagdag pa ng Santo Papa, ay lumalago sa pamamagitan ng maliliit na kilos. Si Santa Teresa ng Calcutta ay may ganito namang paalala: “Holiness is not the luxury of a few people, but a simple duty for you and me.” Kaya nating maging banal araw-araw.
Sumainyo ang katotohanan.