212 total views
Mga Kapanalig, lalo na sa mga ina, belated Happy Mother’s Day!
Ngayong may pandemya, hindi biro ang pinagdaraanan ng mga ina sa loob ng tahanan. Alam at nakikita nating sila ang sumasalo sa halos lahat ng responsibilidad para sa pangangalaga sa pamilya at pagpapanatili ng kaayusan sa loob ng bahay. Gaya ng sabi sa Juan 15:13, “wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa iba.” Tunay ngang wala nang hihigit pa sa walang pasubaling pagmamahal ng mga ina at pagsisikap na ginagawa nila para sa pamilya, kaya naman dapat lamang na ating nakikita at pinahahalagahan ang araw-araw nilang ginagampanan sa ating buhay.
Ngayong mas maraming oras ang inilalaan natin sa loob ng bahay, mas naramdaman ng mga nanay ang bigat at tila hindi matapus-tapos na gawaing-bahay at pag-intindi sa iba pang mga suliranin sa tahanan. Maraming mga ina ang kinakailangang pagsabayin ang pagluluto, paglilinis, pamamalengke, pag-aalaga sa mga anak, pagtuturo sa mga estudyante, habang ang iba ay sa kanila ay naghahanapbuhay. Kung tutuusin, mas lalong nakalulula ang dami ng gawain ng mga nanay ngayong pandemya. Sa pagsasara ng mga paaralan, nariyang sila ang tumatayong pangalawang guro ng mga bata. Nagagawa nila ito kasabay nang iba pang responsibilidad.
Bagamat lahat ng tao, anuman ang edad, katayuan sa lipunan, at kasarian, ay naapektuhan ng COVID-19 pandemic, 54% lamang ng mga lalaki at 60% ng mga babae ang nagsasabing nadagdagan ang oras na iginugugol nila sa tinatawag na unpaid care and domestic work o pag-aalaga at mga gawaing-bahay na walang bayád. Maliban sa karagdagang oras, 28% din ng mga babae (kumpara sa 16% ng mga lalaki) ang nagsabing mas dumami o mas bumigat ang mga ginagawa nilang gawain sa bahay simula nang kumalat ang COVID-19. Ibig sabihin, mas naglalaan ng maraming oras ang mga ina sa mas maraming bilang ng mga gawain sa loob ng bahay.
Sa buong mundo, napupunta sa mga babae, partikular na sa mga ina, ang pasanin ng unpaid care and domestic work. Dahil dito, maraming kababaihan ang napipilitang tumigil sa pagtatrabaho upang maalagaan ang kanilang mga anak. Ayon sa UN Women, itutulak ng pandemya sa bingit ng kahirapan ang 47 milyong kababaihan ngayong taon, at gagawin nitong 435 milyon ang kabuuang bilang ng kababaihan at batang babaeng nakararanas ng matinding kahirapan. Kaya naman, talagang higit na negatibong naapektuhan ng pandemya ang mga babae lalo na ang mga nanay na maraming ginagawang tungkulin sa loob at labas ng tahanan.
Ang unpaid care work ng ating mga ina sa tahanan ay isang napakahalagang bahagi ng pagtugon sa pandemya. Nagagawa nilang panatilihin ang kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng paghahanda ng pagkain at pag-aalaga sa mga maysakit, sa paggabay sa pagpapatuloy ng edukasyon ng mga bata, at sa paniniguradong may pumapasok pa ring household income. Gaya ng sabi sa Amoris Laetitia, ang mga ina at kanilang mga katangian ang pinakamabisang pangontra sa pagiging makasarili ng lipunan. Sila ang nagpapatotoo sa kagandahan ng buhay. Sinasabing ang isang lipunang walang mga ina ay napagkakaitan ng mga positibong katangian ng mga tao, dahil ang ating mga nanay, kahit sa pinaka hindi kanais-nais na pagkakataon, ay saksi at instrumento sa pagpapatuloy ng kahinahunan, kabaitan, at dedikasyon sa buhay.
Mga Kapanalig, iba-iba man ang bigat na pinapasan ng mga tao ngayong may kinahaharap tayong pandemya, hindi maikakailang seryosong usapin ang ambag ng bawat ina sa buhay ng bawat tao, lalo na sa mga pamilya. Inilantad ng krisis ng COVID-19 ang katotohanang nairaraos at gumagaan ang ating mga araw, lalo na ngayong may pandemya, dahil sa pagmamahal at pagkalinga ng ating mga ina.