357 total views
Inilaan ng St. Joseph the Worker Parish sa Balintawak Quezon City ang araw ng Miyerkules para sa mga manggagawa at naghahanap ng trabaho.
Ito ang ibinagi ni Fr. Jojo Zerudo, kura paroko ng parokya sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa pari, ito ang paraan ng parokya para tulungan ang sektor ng manggagawa na labis naapektuhan sa naranasang pandemya kung saan marami ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagkalugi ng mga negosyo.
“Ginagawa namin every Wednesday sa 6PM mass mayroong pagdarasal at pagbabasbas una para sa mga manggagawa at ikalawa para naman sa naghahanap ng trabaho,” pahayag ni Fr. Zerudo sa Radio Veritas.
Batid ng Radio Veritas anchor-priest ang pangamba ng maraming mamamayan na nawalan ng trabaho mula ng ipatupad ang mahigpit na panuntunan ng community quarantine noong 2020 bunsod ng coronavirus pandemic.
Ipinaliwanag ni Fr. Zerudo na makabuluhan ang pamamagitan ni San Jose sapagkat ito rin ang patron ng mga manggagawa na ipinagdiwang ang kapistahan tuwing Mayo 1 kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Hinikayat ng pari ang mananampalataya na dumalaw sa parokya ng San Jose Balintawak (SanJoBal) upang makatanggap din ng indulhensya plenarya na iginawad ng Vatican sa bisa ng pagdiriwang ng Year of St. Joseph.
Nagsimula ang plenary indulgence noong June 29 at magtatapos naman sa Mayo 1, 2022 kasabay ng kapistahan ng patron.
Sa datos ng pamahalaan umabot sa halos 10 milyon ang nawalan ng hanapbuhay nang magpatupad ng lockdown noong 2020 habang nitong Abril 2021 naitala naman ang mahigit apat na milyong Filipino ang nawalan ng kabuhayan ng muling ipatupad ang ECQ sa Metro Manila at karatig lalawigan dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa Agosto 6 hanggang 20 ay nakatakdang isailalim muli ang National Capital Region sa ECQ kung saan una nang nagbabala ang ilang grupo na maaring mawalan ng kabuhayan ang halos dalawang milyong mamamayan sa kalakhang Maynila.
Umaasa si Fr. Zerudo na sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng mamamayan ay manatiling kumapit at manalig sa Diyos upang higit na mapatatag ang pananampalataya na mapagtagumpayan ang anumang hamong kinakaharap.