250 total views
Nasasaad sa Pastoral Constitution on the Church in the Modern World o Gaudium et Spes sa Second Vatican Council noong 1965 na ang mga pampribado at pampublikong institusyong pantao ay dapat magsumikap na paglingkuran ang dangal at layunin ng tao at tiyakin ang pagbabantay ng pangunahing mga karapatan ng tao sa ilalim ng bawat pulitikal na rehimen.
Sa ganitong konteksto ay tiniyak ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng ‘unlawful arrest’ at ‘arbitrary detention’ sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, bagamat kinakailangan ng karampatang kaparusahan sa mga paglabag sa batas ay hindi naman ito dapat na makalabag sa dignidad at karapatang pantao ng sinuman.
“Mariing tinutuligsa ng Commission on Human Rights ang mga alegasyon ng unlawful arrest at arbitrary detention kung saan sangkot di-umano ang iilang mga tanod at tauhan sa Brgy. Commonwealth, Quezon City. Naniniwala ang CHR na ang bawat paglabag ay dapat may karampatang kaparusanahan, pero hindi ito dapat lalabis sa kung anuman ang nakatakda sa batas,” ang bahagi ng pahayag ni Atty. de Guia.
Paliwanag ni Atty. De Guia, kinakailangan masunod ang proseso ng batas na pagsasampa ng kaso at pagsasakdal sa mga bilanggo na nasasaad sa Saligang Batas na ang bawat indibidwal ay mananatiling inosente hanggang mapatunayan ang pagkakasala sa harapan ng hukuman.
Pagbabahagi ni Atty. De Guia, agad na nagpadala ng Quick Response Team ang CHR-NCR sa nasabing barangay hall noong Martes ika-19 ng Marso upang imbestigahan ang pananagutan ng mga opisyal at tauhan ng barangay.
“Meron ding sinusunod na proseso sa pagsasampa ng kaso at pagkulong. Ginagarantiya rin ng Konstitusyon na ang bawat tao ay kikilalanin na inosente sa harap ng anumang alegasyon hangga’t mapatunayan ang kanilang pagkakasala. Nagpadala na ng Quick Response Team ang CHR-NCR noong Martes, 19 Marso 2019, sa nasabing barangay hall upang tignan ang mga posibleng pananagutan ng mga opisyal at tauhan nito,” dagdag pa ni Atty. de Guia.
Natuklasan ang sitwasyon sa Barangay Commonwealth matapos na humingi ng tulong sa mga pulis ang isang babaeng pinagbabayad ng mga opisyal ng barangay ng 50-libong piso kapalit ang kanyang kalayaan mula sa sinasabing paglabag sa ordinansa ng syudad.
Dahil dito natuklasan ang halos 30-violators na nagsisiksikan sa iisang selda kung saan magkakasama ang mga babae, lalake at 2 menor de edad na halos 3 linggo na nakaditene sa barangay.