426 total views
Higit pang palalaganapin ni Malaybalay Bishop-elect Noel Pedregosa ang misyon ni Kristo kasabay ng kanyang episcopal ordination sa Setyembre 14, 2021.
Ayon sa obispo, ang kanyang pagtanggap sa panibagong hamon bilang lingkod ng simbahan ay pasasalamat sa Panginoon sa kabutihang hatid nito sa diyosesis.
“Nais kong ipagpatuloy ang ebanghelisasyon, pagpapalaganap ng mabuting balita ng Panginoon sa diocese [Malaybalay] na sinimulan ng maraming misyonero unang una ng mga Augustinian Recollect at sinundan ng mga Jesuits,” pahayag ni Bishop-elect Pedregosa sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop-elec Pedregosa na makahulugan ang araw ng kanyang ordinasyon at canonical installation sapaglat kasabay ito ng kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal na sagisag ng ng tagumpay na hatid ni Hesukristo sa sanlibutan.
Sinabi ng Obispo na magandang pagkakataon din itong ialay sa Panginoon ang pasasalamat sapagkat ipinagdiwang ng simbahang katolika sa bansa ang ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo.
“Panahon din ito ng kasiyahan at pasasalamat sapagkat hinirang ako ng Panginoon para maging pastol ng Malaybalay kasabay ng pagdiriwang ng 50 years as diocese at the same time 500 years of Christianity ng Pilipinas,” ani Bishop-elect Pedregosa.
Pangungunahan ni Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan ang ordinasyon at installation ni Bishop-elect Pedregosa katuwang sina CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles at Cotabato Archbishop Angelito Lampon.
Dadalo rin sa pagdiriwang si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, CBCP Secretary General Msgr. Bernardo Pantin, Fr. Carlo Del Rosario at ilang opisyal ng simbahan sa karatig diyosesis.
Bago ang banal na misa sa alas nuwebe ng umaga ay gaganapin ang liturgical reception sa alas 8:30; ang profession of faith at Oath of Fidelity to the Holy Father.
Dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 infection sa lugar ay 120 lamang ang pinahintulutang makadalo ng pisikal sa ordinasyon ni Bishop-elect Pedregosa upang maiwasan ang malakihang pagtitipon at pagtalima sa alintuntunin sa ilalim ng Modified-ECQ status ng Malaybalay.
Patuloy na humihiling ng panalangin ang ikalimang obispo ng Malaybalay sa pagtupad sa misyong iniatang ng Inang simbahan ang pangangalaga sa mahigit isang milyong mananampalataya katuwang ang 100 mga pari.