526 total views
Kinilala sa kauna-unahang Rotary Peace Award ang ilang piling indibidwal na nagpamalas ng malaking ambag sa pagsusulong ng kapayapaan at pagkakasundo na tinaguriang mga Peace Warriors.
Isa sa mga kinilala at ginawaran ng parangal ay si Davao Archbishop Emeritus Fernando R. Capalla, D.D. na tinaguriang “Man of Dialogue” dahil sa pagiging kilalang tagapagsulong ng inter-religious dialogue, ecumenism at peace dialogue sa Mindanao sa pagitan ng mga Katoliko, Muslim, Buddhists at maging sa mga Lumad.
Si Archbishop Capalla ang ikatlong Arsobispo ng Archdiocese of Davao na nagsilbi sa loob ng 16 na taon mula November 6, 1996 bago nagretiro noong February 11, 2012 kung saan tinutukan nito sa kanyang pastoral and spiritual leadership sa arkideyosesis ang peace and interreligious dialogues sa Mindanao.
Bukod sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa Mindanao, ilang beses rin naitalaga si Archbishop Capalla upang maging bahagi ng mga samahang nagsusulong ng kapayapaan.
Taong 1992 ng itinalaga si Archbishop Capalla ni Former President Fidel V. Ramos bilang Vice Chairman ng National Unification Commission; taong 2007 naman ng mabuo ang BUC-AFP-PNP Forum for Peace (BAPFP) na isang samahang kasapi ng National Peace Commission sa ilalim ng administrasyong Estrada at Presidential Council on Values Formation (PCVF) na nasa ilalim naman ng administrasyong Arroyo kung saan siya nagsilbing bilang co-founder at co-convener ng samahan.
Dahil sa naging malaking ambag at puspusang pagsusulong ng arsobispo sa pagkamit ng kapayapaan sa pamamagitan ng iba’t ibang hakbang ay ilang mga parangal at pagkilala na rin ang kanyang natanggap kabilang na ang San Lorenzo Ruiz National Peace Award at Peace Champion in Mindanao mula sa United Nation Development and Peace Commission.
Bukod kay Archbishop Capalla ginawaran rin ng pagkilala sa Gawad Akap Peace Awards sina Labor Secretary Silvestre Bello lll, Mr. Mohagher Iqbal at former Presidential Peace Adviser Jesus G. Dureza.
Inilunsad noong Setyembre ng nakalipas na taong 2018 ang Gawad Akap Peace Awards na kauna-unahang Rotary Peace Award ng Rotary International District 3830.