316 total views
June 28, 2020, 10:32
Kinilala at pinasasalamatan ng bagong talagang arsobispo ng Cagayan de Oro ang mga mananampalataya ng Diyosesis ng Malaybalay Bukidnon dahil sa malaking ambag nito sa paghubog bilang pastol ng simbahang katolika.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Archbishop- elect Jose Cabantan, sinabi nitong ang mananampalataya ng Malaybalay ang tumulong sa kanya upang maging mabuting obispo sapagkat hindi ito napag-aralan sa loob ng seminaryo o sa kahit anong silid aralan kundi sa mga tunay na karanasan kasama ang mga pari at layko ng diyosesis.
“Para sa Diocese ng Malaybalay malaki ang aking pasasalamat sa pakikipag-ugnayan sa kanila, sila ang tumulong sa akin kung paano mamuhay at maging mabuting obispo sapagkat hindi ito napag-aaralan but you have to find your way kung mapipili kang obispo,” pahayag ni Bishop Cabantan sa Radio Veritas.
Labis din ang pasasalamat ni Archbishop-elect Cabantan sa mga pari, madre, at mga relihiyoso na naging katuwang niya sa pamamahala at paggabay sa mahigit isang milyong Katoliko sa lugar kung saan pinalalakas ang pundasyon ng maliliit na komunidad sa pamamagitan ng Basic Ecclesial Communities.
Ika – 23 ng Hunyo ng hinirang ang obispo bilang kahalili ng nagretirong si Archbishop Emeritus Antonio Ledesma makaraang maabot ang mandatory retirement age nito.
Bagamat hindi na bago kay Archbishop Cabantan ang Cagayan De Oro, tiniyak naman nitong makipag-ugnayan ito sa mga pari at mga komunidad sa arkidiyosesis upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon at makapagbalangkas ng mga programang angkop na makatutulong sa pagpapalago ng pananampalataya sa lugar.
Kasalukuyang pinamumunuan ng bagong arsobispo ang Commitee on Basic Ecclessial Communities ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Sa August 28, 2020, pormal na i-install si Archbishop Cabantan bilang Arsobispo ng Cagayan de Oro kasabay ng kapistahan ni San Agustin.