145 total views
Nabakunahan na ng COVID-19 vaccine si Archdiocese of Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo.
Ika-15 ng Marso ng bakunahan ang Arsobispo ng unang dose ng Astrazenica vaccine na siyang ipinayo ng mga manggagamot para sa opisyal ng simbahan.
Nasasaad sa Facebook page ng Archdiocese of Jaro Commission on Social Communications na ang pagpapabakuna ng Arsobispo ay isang paraan bilang proteksyon at paghahanda nito sa sunod-sunod na gawaing pastoral sa Arkidiyosesis para sa papalapit na paggunita ng Semana Santa.
“Last March 15, 2021, His Grace Most Rev. Jose Romeo O. Lazo, D.D., Archbishop of Jaro, got himself vaccinated with the 1st dose of Astrazenica vaccine, as prescribed by physicians. This is one means of preparing himself for the successive pastoral activities he will be undertaking in the Archdiocese of Jaro.” ayon sa Archdiocese of Jaro Commission on Social Communications Facebook page.
Si Archbishop Lazo ang kauna-unahang Arsobispo na nabakunahan ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Unang nagpahayag ng suporta ang Arsobispo sa COVID-19 vaccine rollout sa probinsiya ng Iloilo na nagsimula noong ika-8 ng Marso.
Tiniyak rin ni Archbishop Lazo ang kahandaan ng Arkidiyosesis ng Jaro na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Archdiocesan Commission on Health Care upang makumbinsi ang mga mayroon pa ring alinlangan na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
Matatandaang inihayag ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Davao Archbishop Romulo Valles ang kahandaan ng mga Obispo sa bansa na magpabakuna sa harapan ng publiko upang magkaroon ng tiwala ang mamamayan sa Vaccine campaign ng pamahalaan.
Naunang nakapagpabakuna ng COVID-19 vaccine sina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict the 16th sa Vatican.