440 total views
Pangungunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang pagbabasbas at pagtatalaga sa kauna-unahang replica chapel ng Our Lady of Fatima sa Southeast Asia na itinayo sa San Remigio Cebu.
Puspusan na ang paghahanda ng Capelinha de Fatima Replica para sa blessing at consecration na gaganapin sa ikaapat ng Abril.
Ayon kay Digos Bishop Guillermo Afable, national spiritual director ng World Apostolate of Fatima, magandang pagkakataon ito at kapaki-pakinabang sa mga Filipino lalo na sa mga deboto ng Mahal na Birhen dahil mas madaling mapuntahan at mabisita ang pilgrim chapel.
Hinimok din ni Bishop Afable ang mananampalataya na patuloy hilingin sa Mahal na Birhen ang paggabay lalo na sa mga banta ng kaguluhang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“In the midst of challenges and tribulations let us ask the guidance of our Blessed Mother it is a time for us to raise the banner of Our Lady; huwag tayong tatamaring gumawa ng mabuti in the midst of kasamaan at mga kaguluhan,” pahayag ni Bishop Afable sa Radio Veritas.
Itinaon ang pagbabasbas sa ikaapat na replica chapel sa buong mundo sa April 4 kasabay ng paggunita sa kamatayan ni San Francisco Marto, ang isa sa tatlong batang pinagpakitaan ng Mahal na Birhen sa Fatima Portugal noong 1917.
Kasabay ng pagbabasbas sa lugar iluluklok din ang replica image ng Our Lady of Fatima na mula sa Portugal na dadalhin ng mga kinatawan ng Sanctuario de Fatima.
Sa April 3 sa alas otso ng gabi ay magkakaroon ng film showing kaugnay sa buhay nina San Jacinta, San Francisco at Lucia nang magpakita at nagbigay ng mensahe ang Mahal na Ina.
Susundan ito ng overnight vigil kung saan dadasalin ang Santo Rosaryo, aawit ng mga Marian Songs, pagbabahagi ng mga karanasan sa Mahal na Birhen ng Fatima at magkakaroon ng sakramento ng pangungumpisal.
Hiling ng pamunuan ng Capelihna de Fatima Replica sa mga debotong dadalo ang ibayong pag-iingat at pagsunod sa safety protocol upang mapanatiling ligtas ang kalusugan ng bawat isa.