171 total views
Hinimok ng Arsobispo ng Cebu ang mananampalataya na higit palakasin ang pagdedebosyon dahil makatutulong ito sa pagpapatibay ng pananampalataya.
Tinukoy ni Archbishop Jose Palma na ang mga debosyon tulad ng Divine Mercy ang isa sa nagbibigay sigla at lakas sa buhay pananampalataya ng bawat indibidwal.
“Palakasin, pasiglahin at ipagpatuloy natin kung maari [debosyon] dahil ito yung nagpapalakas, nagpapasigla sa ating pananampalataya,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Naniniwala ang Arsobispo na ang pananamlay ng pananampalataya sa mga bansa sa Europa ay dahil mahina ang pagdedebosyon ng mga mananampalataya sa Panginoon.
SUPORTAHAN ANG KABATAAN
Kaugnay dito, hinimok ni Archbishop Palma ang mamamayan na tulungan ang mga kabataan at gabayan sa kanilang paglalakbay upang mahubog sa kabutihan at maging katuwang sa pagpapalaganap ng misyon ng Simbahang Katolika.
“Sa ating journey, sa ating pagsama sa kanila, sa ating paglakbay sa buhay, binibigyan natin ng diin ang anggulo ng pananampalataya at umaasa tayo na hindi masayang pero ma-channel sa tamang direksyon ang ating young people,” dagdag ni Archbishop Palma.
Sa katatapos na ikaapat na Philippine Apostolic Congress on Mercy na ginanap sa Filoil Flying V Center sa lungsod ng San Juan noong ika – 24 hanggang ika – 26 ng Enero, nakatuon ang tema nito sa kabataan, “Divine Mercy: In Communion with the Young” bilang pakikiisa sa Simbahang Katolika ng Pilipinas sa pagdiriwang ng Taon ng mga Kabataan.
Sinabi ni Archbishop Palma na ito ay pagpapakita na ang ating mga kabataan ay bahagi ng ating Simbahan at may malaking gampanin sa pagpapalago ng pananampalataya.
MGA KILALANG DEBOSYON SA PILIPINAS
Ilan sa mga debosyon sa bansa ang Divine Mercy, Santo Niño sa Cebu, Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa Bicol at sa Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Quiapo Maynila.
Taong 1983 ng inorganisa ni Bro. Renato Fider ang Divine Mercy prayer group sa Immaculate Conception Parish sa Cubao Quezon City, ika – 16 ng Hunyo 1985 nang isinahimpapawid sa kauna-unahang pagkakataon ang Divine Mercy Prayer tuwing ikatlo ng hapon o mas kilalang 3’O Clock Habit habang naganap naman ang unang Divine Mercy Convention noong ika – 3 hanggang ika – 4 ng Agosto 1985 sa College of the Holy Spirit sa Mendiola.
Sa pagtitipon ng mga deboto ng Banal na Awa noong nakalipas na linggo umabot sa higit tatlong libong deboto ang nakiisa mula sa iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis sa Pilipinas.
Batay naman sa kasaysayan ang Santo Niño sa Cebu ay ipinagkaloob ni Ferdinand de Magallanes kay Hara Amihan noong 1521 nang dumaon ito sa lalawigan ng Cebu at ipinalaganap ang Kristiyanismo.
Mula 1521 lumaganap ang debosyon ng Santo Niño sa bansa na nakikiisa sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan tuwing Enero kasabay ng Sinulog Festival na sinimulan noong 1980 bilang pagpupugay sa Batang Hesus.
Ang debosyon ng mga Filipino sa Our Lady of Peñafrancia ay nagsimula noong 1712 sa rehiyon ng Bicol nang gumaling sa malubhang karamdaman si Miguel Robles de Covarrubias sa tulong ng pananalangin sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia.
Samantala ang Mahal na Poong Hesus Nazareno naman na dumating sa Pilipinas noong 1606 dala ng mga misyonerong Rekoleto ay ginugunita ng mga deboto ang taunang Traslacion tuwing ika – 9 ng Enero.
Ang paglipat ng imahe mula sa Simbahan ng San Nicolas de Tolentino sa Intramuros patungong Simbahan ng Quiapo noong 1787.