224 total views
March 14, 2020 – 12:43pm
Tiniyak ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na siya ay nasa mabuting kalagayan bagamat kasalukuyang sumasailalim sa self-quarantine matapos ang kanyang naging pilgrimage sa Israel.
Ito ay makaraan ang kanyang pilgrimage sa Israel kung saan pinasinayahan din ng arsobispo ang unveiling ng Bicolano version ng Lord’s Prayer na ‘Ama Niamo’ sa Pater Noster Church sa Jerusalem.
Ayon sa Arsobispo, isang magandang pagkakataon din ang kanyang isinasagawang sa self-quarantine upang patuloy na makapagnilay at manalangin.
Pagbabahagi pa ni Archbishop Tirona bagamat nag-iisa ay patuloy ang kanyang pakikibalita sa mga pangyayari sa buong arkidiyosesis lalu’t higit sa mga may kaugnayan sa Coronavirus Disease 2019 outbreak sa bansa.
Hinimok rin ng Arsobispo ang bawat mananampalataya na bukod sa pag-iingat mula sa virus ay mahalaga ang patuloy na pananalangin para sa habag at awa ng Panginoon.
Paliwanag ni Archbishop Tirona, ang panalangin ay may pambihirang kapangyarihan bilang pananggalang ng sangkatauhan mula sa anumang banta ng kapahamakan.
Ipinag-utos na rin ng arsobispo ang pagpapaliban ng mga misa sa lahat ng parokya simula ika-14 hanggang ika-20 ng Marso bilang pag-iingat mula sa COVID-19 outbreak.
“We suspend Public Masses in the churches of the Archdiocese starting in the afternoon of March 14, 2020, until the morning of March 20, 2020. Nevertheless, priests will offer masses in the absence of the congregation for the intentions of the people. The faithful are dispensed from their Sunday Obligation on March 15, 2020,” ang bahagi ng Circular ng Archdiocese of Caceres.
Hinihimok naman ni Archbishop Tirona ang bawat mananampalataya na patuloy na manalangin sa kani-kanilang tahanan.
May live streaming din ng mga misa ang arkidiyosesis sa kanilang Archdiocesan facebook page at sa Radyo.