333 total views
Ibinahagi ng arsobispo ng Archdiocese of Caceres ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Naga City upang mahikayat ang mamamayan partikular ang mga senior citizen na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ang naturang pahayag ay ibinahagi ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona matapos na mabakunahan ng first dose ng Sinovac vaccine.
Ayon sa Arsobispo, wala siyang anumang naramdamang adverse effects ng bakuna matapos na mabakunahan dalawang araw na ang nakakalipas.
Ibinahagi rin ni Archbishop Tirona ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Naga sa pangunguna ni Naga City Mayor Son Legacion upang mahikayat pa ang iba pang senior citizens sa lungsod na magpabakuna na rin bilang proteksyon laban sa COVID-19.
“Yes [I had already received the first dose of COVID-19 vaccine]. I had Sinovac vaccine for seniors two days ago. No adverse effects so far. May taping ako with Mayor Legacion of Naga City to encourage seniors for Vaccination” mensahe ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa radio Veritas.
Natanggap ni Archbishop Tirona kasama ng may 349 na mga senior citizens sa Naga ang unang dose ng Sinovac vaccine laban sa COVID-19 noong ika-12 ng Mayo sa ilalim ng Anti Covid19 Vaccination Roll Out Program ng lokal na pamahalaan sa Naga City Mega Vaccination Facility sa Jesse M. Robredo Coliseum.
Si Archbishop Tirona ay isa lamang sa mga Obispo ng Simbahang Katolika na nakapagpabakuna na laban sa COVID-19 kung saan una na ring isinama ng pamahalaan ang mga lingkod ng Simbahan sa priority group ng Vaccination Roll Out Program sa bansa.