10,852 total views
Magsasagawa ng Archdiocesan Assembly ang Migrants Ministry ng Archdiocese of Manila bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng World Day of Migrants and Refugees (WDMR), National Migrant’s Sunday (NMS), at National Seafarers Day (NSD).
Sa inilabas na sirkular, hinihikayat ng Archdiocese of Manila Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (ACMI) ang mga parokya na magpagdala ng dalawang kinatawan na magsisilbing coordinators para sa gaganaping pagtitipon.
Isasagawa ito sa August 31, 2024 sa Sacred Heart of Jesus Parish sa Santa Mesa, Manila mula alas-8:30 ng umaga hanggang ala-una ng hapon.
Nilalayon ng pagtitipon na higit na bigyang-pansin ang pagpapahalaga sa mga overseas filipino workers na piniling makipagsapalaran at iwan ang mga pamilya upang makapag-hanapbuhay.
Inaasahang tatalakayin sa assembly ang Retooling Seminar for the Parish Migrants Ministry Formation; pang-arkidiyosesanong paghahanda para sa pandaigdigan at pambansang pagdiriwang para sa mga migrante at mandaragat; at migration updates mula sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ipagdiriwang sa September 29, 2024 ang ika-110 World Day of Migrants and Refugees, kung saan napiling tema ng Kanyang Kabanalan Francisco ang “God walks with His people”, na nangangahulugang ang bawat isa ay mga alagad ng Diyos, at sama-samang naglalakbay patungo sa kaharian ng langit.
Sa mga dadalo sa Archdiocesan Migrants Ministry Assembly, ipadala lamang ang mga pangalan sa email na [email protected] o magpadala ng mensahe sa numerong 0917-895-1961.