181 total views
Mas matututukan na ng Simbahang Katolika ang pangangailangan ng mga nasasalanta ng kalamidad sa bansa kaugnay ng pagsasanib puwersa ng Ecology Ministry at ng Disaster Risk Reduction and Management program ng Archdiocese of Manila.
Ayon kay Caritas Manila Damayan Program Priest Minister Fr. Ric Valencia, bagong head ng DRRM at Ecology Ministry, layunin nitong sa loob ng 24 oras, maka-aksyon sila sa mga naapektuhan ng kalamidad.
“Ang ministry po ay nagko-cooperate nationwide dahil sakop ng tinutulungan ng Archdiocese of Manila ay ang buong bansa. Mas matutukan ang pangangilangan ng mga nasasalanta ng kalamidad ngayon dahil kung noon ginagawa natin at di-naa-announce, ngayon dahil nakikita na kailangan ng ating mga kababayan na maramdaman ang tulong ng Simbahang Katolika sa loob ng 24 oras…” pahayag ni Fr. Valencia sa panayam ng Radyo Veritas.
Nagpapasalamat naman ang pari sa Radyo Veritas na siyang channel of communication sa pagitan ng mga nasalanta at ng institusyon ng Simbahan na siyang gumagalaw para sa assessment, koordinasyon at pagpapakalat ng impormasyon.
Ito’y para mabatid ang mga lugar at mamamayan na tunay na nangangailangan ng tulong dahil sa tindi ng epekto ng kalamidad sa kanilang lugar.
“Pagdating sa communication, Radyo Veritas na ang inasaahan sa mga lugar na nasasalanta, ang RV ang nakikipag-coordinate sa mga nasalanta, dito rin ang panawagan ng tulong at donasyon…maki-coordinate naman ito sa Archdiocese of Manila, Pagdating sa response, panawagan at dissemination of information dahil ang RV ay may capability na mag assess ng pangangilangan ng tao.” Ayon pa sa pari.
Kabilang din sa mga institusyon ng Simbahang Katolika na aktibo sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad ang Caritas Manila, Quiapo Church, NASSA-Philippines at Caritas Internationalis.
Matatandaang November 2013, tumama sa bansa ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo, ang Typhoon Yolanda kung saan mahigit 7,000 ang nasawi, bilyong bilyong piso ang halaga ng nasirang ari-arian at imprastraktura at mahigit 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan na hindi iniwanan ng Simbahan mula sa relief hanggang sa rehalibilitasyon o pagbibigay ng kabuhayan.