192 total views
Umapela na ng tulong ang Archdiocese of Cagayan De Oro sa Caritas Manila para matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng mawalakang pagbaha sa ilang lalawigan sa Mindanao.
Ayon kay Carl Cabaraban, Social Action Coordinator ng Archdiocese of Cagayan De Oro,tutulong sila sa rehabilitasyon ng mga labis na nasirang kabahayan.
Bukod dito, tiniyak ni Cabaraban na kumikilos ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga Food at Non Food items sa mga apektado ng pagbaha lalo na sa mga mahihirap.
Inihayag din ni Cabaraban na tumugon na ang ilang mga karatig na diyosesis sa kanilang pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga relief goods at cash assistance.
“Meron pa din kaming relief distribution sa mga malalayong lugar na naapektuhan din ng pagbaha, nagpadala na ng tulong ang ilang mga Diocese gaya ng Diocese of Malaybalay while yun Cathedral namin naglabas na din ng pondo.”pahayag ni Cabaraban sa panayam ng Damay Kapanalig.
Kaugnay nito, inaasahan naman ang pagtugon ng Caritas Manila at iba pang organisasyon ng Simbahan para sa mga naapektuhan ng pagbaha dulot ng ilang araw na walang tigil na pag-ulan sa maraming lugar sa Mindanao.
Magugunitang unang idineklara ang State of Calamity sa Cagayan De Oro matapos bahain ang mga pangunahing lansagan at sentro ng komersyo sa lungsod.
Nauna ding nanawagan sa mamamayan ng dasal at tulong si Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma para sa mga binaha sa Northern Mindanao.
See.. http://www.veritas846.ph/dasal-tulong-kailangan-ng-mga-biktima-ng-baha-sa-cagayan-de-oro/