355 total views
Nagsasagawa na ng relief operations ang Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) matapos manalasa ang bagyong Quinta sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Renbrandt Tangonan, Communications and Advocacy officer ng LASAC, nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang ilang mga residenteng naaapektuhan ng bagyo at agad na ring pinaabutan ng tulong.
Sinabi rin ni Tangonan na may ilang lugar ang patuloy na nakararanas ng power outage at mga kalsadang hindi madaanan dahil sa mga nagtumbahang puno at matinding pagbaha.
May ilang mga residente rin mula sa Agoncillo at Talisay-ang mga biktimang nakaligtas sa pagligalig ng bulkang Taal kasunod ang krisis ng pandemya, ang higit ding naapektuhan ng bagyong Quinta at sumira sa kanilang mga hanapabuhay at ari-arian.
Ayon kay Tangonan, maliban sa emergency response at relief, higit na kailangan ng mga ito ng transitional shelters at ligtas na lugar na dapat na agarang matugunan sa gitna ng banta ng mga kalamidad.
Naglabas na rin ng panawagan ang Arkidiyosesis para sa mga biktima ng bagyong Quinta.
Para sa mga nais magpahatid ng kanilang tulong at donasyon, maaaring itong ipadala sa pamamagitan ng online banking o money transfer.
Para malaman ang bank account numbers at iba pang impormasyon, maaaring bisitahin ang facebook page sa www.facebook.com/LASACInc o tumawag sa numerong 0925-559-5968 o kaya 404-8057 local 101.