394 total views
Ibinahagi ng Arkidiyosesis ng Maynila na mamamahagi ito ng tulong sa mga mahihirap na komunidad na labis naapektuhan ng pandemya sa Huwebes Santo.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na siya ring chairman ng Catholic Bishop Conference of the Philippines, ito ay pagpapatuloy sa misyon ng simbahan na paglingap sa kapwa.
“Sa Huwebes Santo, mamimigay ng ayuda ang simbahan para sa mahihirap lalo na ang mga affected sa pandemic,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ito rin ang binigyang diin ng obispo sa inilabas na Pastoral Statement ng arkidiyosesis kung saan sa huling hapunan ng Panginoong Hesus ay itinagubilin nito sa bawat isa ang pagpalaganap ng pag-ibig sa kapwa.
“We concretely show this love by caring for the poor. Let every parish distribute material help to people who are most affected by the lack of food during these days of the pandemic,” bahagi ng pastoral statement ni Bishop Pabillo.
Maaring gamitin ng mga parokya ang nalikom na pondo mula sa isinagawang special collections sa Alay Kapwa sa buong kuwaresma.
Dahil dito hinikayat ni Bishop Pabillo ang mamamayan na nais magbahagi ng kanilang biyaya sa higit nangangailangan na makipag-ugnayan lamang sa kani-kanilang parokya upang maayos ang pagbabagi nito.
“I would like to invite those who still have something to spare to augment this collection to feed the hungry,” ani ng obispo.
Batay sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority nasa 3.2 milyon ang bilang ng mga Filipinong nagugutom dahil sa pandemya.
Ayon kay acting NEDA chief Karl Kendrick Chua maaring madadagdagan ito ng halos 60 libo kung muling magpatupad ang pamahalaan ng modified enhanced community quarantine.
Matatandaang simula Marso 2020 aktibo ang Caritas Manila, ang social arm ng arkidiyosesis sa pamamahagi ng tulong sa urban communities kung saan mahigit sa siyam na milyong indibidwal ang natulungan.