257 total views
Sinusuportahan ng Simbahang Katolika partikular ng Arkidiyosis ng Maynila ang mga manggagawa ng NutriAsia at maging ng iba pang manggagawa sa bansa na nakikipaglaban para sa karapatang mabigyan ng maayos na benipisyo at disenteng hanapbuhay.
Sa pahayag na inilabas ng Archdiocesan Ministry for Labor Concerns, mariin nitong kinundena ang karahasan na ginawa ng mga otoridad laban sa grupo ng manggagawa na nagsagawa ng kilos protesta.
“Hindi katanggap-tanggap ang naganap na karahasan at pananakit sa mga manggagawa ng NutriAsia kamakailan, nang buwagin ng pinaghalong puwersa ng kapulisan at mga guwardya ang picketline ng mga manggagawang naglunsad ng lehitimong welga.” pahayag ng Arkidiyosis.
Nanindigan din ang Ministry na dapat i-regular ng mga kumpanya ang mga manggagawa dahil mahalagang tungkulin ang kanilang ginagampanan upang lumago ang isang negosyo.
Gayunman, ikinalulungkot ng Archdiocesan Ministry for Labor Concerns ang laganap na kawalan ng katarungan sa sektor ng manggagawa kung saan patuloy ang pag-iral ng kontraktuwalisasyon kung saan hindi naibibigay ang nararapat na pasahod at benepisyo.
“Ganito ka-imoral ang kontraktwalisasyon. Habang pinayayaman ng lakas-paggawa ang mga negosyante, nananatiling kontraktwal at mahirap ang mga manggagawang nag-aalay ng lakas at talento kapalit ng suweldo. Ang ganitong hindi makatarungang relasyon sa trabaho ay hindi lamang sa NutriAsia nangyayari kundi sa buong bansa.” Bahagi ng pahayag
Kinundena rin ng simbahan ang mababang pasahod sa mga manggagawa sa NutriAsia na 380 – piso lamang na hindi sapat para matustusan ang pamilya dulot na rin ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Bukod dito hindi rin natatanggap ng mga manggagawa ang tamang halaga katumbas ng Service Incentive Leave, kulang na 13th month pay, hindi pagbabayad sa SSS at PAG-IBIG at hindi pagbibigay benepisyo sa mga manggagawang naaksidente sa oras ng paggawa.
Kaisa ng mga manggagawa, patuloy na manindigan ang simbahang katolika para sa kapanakan ng lakas-paggawa sa bansa para sa regularisasyon, makatarungang sahod at benepisyo dahil ito ang moral at nararapat na hakbang sa paglaban sa karapatan ng bawat manggagawa.
Magugunitang ika – 14 ng Hunyo ng maganap ang marahas na pagbuwag sa halos 300 manggagawa ng NutriAsia kung saan 20 ang nasugatan habang 21 naman ang inaresto ng pulisya.
Sa ensiklikal ni St. John Paul II na Laborem Excersens binigyang diin nito na nararapat bigyan ng pagpapahalaga ang bawat manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang pasahod at benepisyo kapalit ng kanilang pagpupurisige na mapaunlad ang negosyo.