208 total views
August 18, 2020
Inihayag ng Arkidiyosesis ng Maynila na susundin ang bagong panuntunang ipinatutupad ng pamahalaan sa community quarantine.
Sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte, muling isasailalim sa General Community Quarantine ang Metro Manila at karatig lalawigan o ang mas maluwag na panuntunan ng lockdown kung saan pinapayagan na ang pagbubukas ng ilang establisimiyento at maging ang mga pagtitipon tulad ng religious gatherings ngunit limitado lamang sa tatlumpong porsyento sa kapasidad.
Sa mensaheng ipinadala ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa Radio Veritas, sinabi nitong susundin ng arkidiyosesis ang panuntunan ng GCQ kaakibat ang mahigpit na pagsunod sa mga health protocols upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mga mananampalataya.
“We follow the GCQ guidelines with strict implementations,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Magugunitang naunang magpatupad ng MECQ guideline ang Arkidiyosesis ng Maynila noong ikaapat ng Agosto bilang tugon sa panawagan ng mga medical frontliners na time-out upang mag-recalibrate ng mga hakbang sa pagtugon sa corona virus pandemic.
Sa kabila ng pagluwag ng panuntunan ay patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga nahawaan ng virus na sa kasalukuyang tala ng Department of Health ay umabot na sa mahigit 160, 000 kaso.
Panawagan ng simbahan sa mamamayan na paigtingin ang pagsunod sa mga health protocols na ipinatutupad ng mga eksperto sa kalusugan upang maiwasan ang pagkahawa mula sa COVID-19.