395 total views
Itinuon ng Archdiocese ng Palo, Leyte ang paggunita sa ikapitong anibersaryo ng pananalasa ng Typhoon Haiyan o Super Typhoon Yolanda sa bansa sa pag-aalay ng panalangin para sa mga naging biktima nito.
Ayon kay Fr. Alcris Badana, director ng Relief and Rehabilitation Unit ng Archdiocese ng Palo, hinikayat ng Arkidiyosesis ang pananalangin para sa mga biktima at nasawi sa bagyong Yolanda, gayundin sa mga naging biktima ng nagdaang bagyong Rolly sa Bicol Region.
“We were encouraged to really focus and center our celebration on praying for the victims and of course, kasama rin d’yan especially kasi recently ‘di ba maraming mga bagyo na dumaan. And now the Bicol Region yung Catanduanes at tsaka yung sorsogon are hardly hit,” ang pahayag ni Fr. Badana sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi rin ng pari na nagsagawa rin ang Arkidiyosesis ng special collection bilang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly.
“We also included them in our intentions and at the same time, we had a special collection for that intention. Magpadala din tayo ng tulong sa kanila although we have already started encouraging people right after the ano, so for typhoon struct area to make it even more meaningful today na remember the tragedy that we have also experience,” ayon sa pari.
Isinagawa ang pagdiriwang sa pamamagitan ng banal na Misa sa Metropolitan Cathedral of Our Lord’s Transfiguration sa pangunguna ni Palo, Leyte Archbishop John Du na dinaluhan ng mga mananampalataya maging ng mga opisyal ng lokal at panlalawigang pamahalaan ng Leyte.
Pagkatapos ng Misa ay isinagawa naman ang pagbabasbas sa mass grave ng mga nasawi sa bagyo at pagpapalipad ng kalapati bilang simbolo ng paggunita nito.
Ibinahagi rin ni Fr. Badana, ang pagsasagawa ng Arkidiyosesis ng natatanging debosyon sa Nuestra Señora de la Esperanza de Palo o Our Lady of Hope of Palo, bilang pasasalamat sa maka-inang pangangalaga nito sa kabila ng naranasang sakuna dulot ng bagyong Yolanda.
“The whole Archdiocese are now encouraged since then na every November 8, in commemoration of the celebration of Typhoon Haiyan, we celebrate the local feast in honor of the Blessed Mother, Our Lady of Hope of Palo,” ayon kay Fr. Badana.
Sa tala ng National Disasters Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may 6,300 katao ang nasawi dulot ng trahedya kung saan aabot sa 9.5 milyong residente ang naapektuhan lalu na sa bahagi ng Eastern Visayas.