835 total views
Nagbabala ang Archdiocese of Cagayan de Oro sa mga mananampalataya hinggil sa grupo na nagpapakilalang kongregasyon upang makapangalap ng mga donasyon.
Sa inilabas na liham ni Archbishop Jose Cabantan, pinag-iingat nito ang lahat sa nagpapakilalang Order of Apostolican Missionaries (OAM) na sinasabing mayroong Mission House sa Malaybalay City at Formation House naman sa Cagayan de Oro.
Ayon sa Arsobispo, nag-iikot-ikot ang grupo sa buong Arkidiyosesis upang humingi ng tulong-pinansyal para sa evangelization works at outreach programs ng kanilang tinatawag na religious community.
“Upon verification with our Catholic Directory of the Philippines and the Chancery Office of Malaybalay, such a group does not exist,” pahayag ni Archbishop Cabantan.
Mariing sinabi ni Archbishop Cabantan na walang anumang pagkakaugnay ang nasabing kongregasyon sa arkidiyosesis at maging sa iba pang diyosesis sa buong bansa.
“It may have carried the name “catholic” but it is not in any way connected with us,” giit ng Arsobispo.
Muli namang pinapaalalahanan ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na mag-ingat sa mga mapagsamantalang indibidwal o grupo na ginagamit ang pangalan ng simbahan, cardinal, obispo o mga pari sa pangangalap ng donasyon upang makaiwas sa scam.
Sakaling makatanggap ng mga solicitation letters lalo na sa online, mangyaring agad na makipag-ugnayan at tiyakin sa tanggapan ng parokya o sa diyosesis ang pagiging lehitimo ng natanggap na sulat.