521 total views
8 libong pamilya na naapektuhan ng bagyong Agaton ang layong matulungan ng Archdiocese of Capiz.
Ito ang inihayag ni Rhiel Dela Rosa, Office Manager ng Capiz Archdiocesan Social Action Center o CASAC sa panayam ng programang Caritas in Action sa Radio Veritas kung saan kanyang ibinahagi ang ginagawang pagkilos ng tanggapan para sa mga nasalanta ng nasabing bagyo.
Ayon kay dela Rosa, nakapagbigay na sila ng tulong o relief packs sa may 6,945 na pamilya sa Capiz.
Naging abala ang Social Action ng Archdiocese of Capiz sa pamimigay ng relief goods at iba pang pangunahing pangangailangan tulad ng hygiene kits at maiinom na tubig.
“Sa ngayon po tinatapos namin yun relief operation, may target po kami na families nasa 8,000 families na mabigyan ng paunang tulong. mga relief goods, hygiene kits, water at mga kailangan after ng bagyong Agaton. Kahapon based sa ating monitoring nakapaghatid na tayo ng kanilang kailangan sa almost 7,000 o 6, 945 families ang nabigyan ng relief goods all over Capiz na po yan with the help ng ating mga Parokya at mission station,” pahayag ni dela Rosa.
Tiniyak ni Dela Rosa na matapos ang relief operation ay tutungo na ang kanilang tanggapan sa bahagi ng pag-agapay sa kabuhayan ng mga nasa sektor ng agrikultura na labis din napinsala ng bagyong Agaton.
“[Matinding] epekto ng [bagyong] Agathon especially sa agriculture, sa mga palayan, sa mga maisan at sa livestock. ang next phase kung kakayanin pa ng pondo at sa tulong din ng ating mga kababayan at mga partner agencies doon na tayo sa rehabilitation and recovery.”
Nagpapasalamat naman ang buong Arkdiyosesis ng Capiz sa tulong at suporta na ibihagi ng iba’t-ibang institusyon para sa kanilang mga kababayan na naapektuhan ng kalamidad lalo na sa Arkidiyosesis ng Maynila at Caritas Manila.
“Maraming maraming salamat po sa buong Caritas Manila family sa malaking tulong na ibinigay dito sa Capiz, sa ngalan po ng buong Archdiocese [Capiz] maraming maraming salamat po sa oportunidad at tulong at suporta at pagmamahal para sa ating mga kababayan na naapektuhan ng Agathon,” pagtatapos ni Dela Rosa.
Batay sa datos ng Department of Agriculture umabot sa 2.8 bilyong piso ang pinsala ng bagyong Agathon sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Unang nang nagbahagi ng tulong pinansiyal ang ilang mga institusyon ng Simbahan katolika tulad ng Caritas Manila para sa mga naapektuhang Diyosesis na maliban sa Capiz ay nagpadala din ng tulong sa Diocese ng Maasin at Archdiocese ng Palo na umabot sa kabuuang P1.550 Million pesos.