349 total views
Nakibahagi ang Archdiocese of Cebu sa paggunita ng Cebu Press Freedom Week 2021 na ginugunita sa lalawigan kada taon.
Nagsimula ang paggunita ng ika-29 na Cebu Press Freedom Week mula ika-19 hanggang ika-25 ng Setyembre sa pamamagitan ng isang banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Jonathan Rubin head ng Social Media Communications.
Isinagawa ang banal na misa sa Archdiocesan Shrine of St. Pedro Calungsod kung saan kabilang sa pangunahing ipinanalangin ang patuloy na paninindigan sa tama at katotohanan ng lahat ng mga mamamahayag.
Bukod dito ipinanalangin rin ni Fr. Rubin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya.
“We offer this Holy Mass for your all your intentions as we begin your Press Freedom Week this year for your families, for your love ones especially for the vocation you’re called to do and to be that is to speak out and to speak for the truth. In a special way we also pray for those journalists, those belonging to the media industry who are also badly affected by this pandemic and those who are suffering these days.” pagninilay ni Fr. Rubin sa naganap na banal na misa.
Binigyang diin rin ng Pari na mahalagang tuwinang pumanig at manindigan sa katotohanan ang bawat mamamahayag na isa sa mga pangunahing panuntunan sa journalism o pamamahayag.
Paliwanag ni Fr. Rubin, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga mamamahayag lalo na ngayong panahon ng pandemya upang maibahagi ang mga impormasyong kakailangan ng bawat mamamayan bilang pag-iingat at pakikibahagi sa layuning mawakasan na ang paglaganap ng COVID-19 virus sa bansa.
Giit ng Pari, hindi dapat na manaig ang anumang pansariling interes o paniniwala sa pagbabahagi ng mga impormasyon sapagkat kinakailangan itong tuwing nakabatay sa katotohanan para sa kapakanan at kabutihan ng lahat.
“Let us always be reminded of the essential rule (in which) journalism or real journalism is based on truth-telling. To be on the press or to be a part of the community press, especially during this time of pandemic, is to cite and state facts. And not your own preferences and much more should not be tainted by your personal interests, our hope of healing as one would never happen if each one will sticks to his own or her own self-interested and preferred truth.” Dagdag pa ni Fr. Rubin.
Umaasa naman si Fr. Rubin na patuloy na maging daluyan ng Mabuting Balita ng Panginoon ang bawat mamamahayag sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga impormasyon na makatutulong sa bawat isa.
Nagsimula ang paggunita ng Cebu Press Freedom Week sa lalawigan noong 1992 na taunang ginugunita tuwing ikatlong linggo sa buwan ng Setyembre na bahagi rin ng taunang paggunita sa deklarasyon ng Batas Militar sa bansa.