378 total views
Humiling ng panalangin ang Arkidiyosesis ng Cotabato para sa kaligtasan mula sa coronavirus at kapayapaan ng kaluluwa ng mga pumanaw sanhi ng virus.
Ito ang apela ni Archbishop Angelito Lampon makaraang masawi ang ilang pari ng arkidiyosesis dahil sa COVID-19 kabilang na si Fr. Eliseo Mercado, OMI na kilalang peace advocate ng bansa.
Sinabi ng arsobispo na prayoridad ni Fr. Mercado ang pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao na isang konkretong halimbawa sa pagsasabuhay sa turo at misyon ng Panginoon.
“As a peace advocate talagang involve si Fr. Jun sa mga Muslim, he knows all the Datus at mga opisyales ng BARMM; first priority niya ang advocacy for peace process dito sa Mindanao,” pahayag ni Archbishop Lampon sa Radio Veritas.
Pumanaw si Fr. Mercado noong Mayo 23, 2021 sa alas tres ng hapon dahil sa atake sa puso habang patuloy na nagpapagaling at nagpapalakas makaraang mahawaan ng COVID-19.
Hinangaan ni Archbishop Lampon ang pagiging masigasig ni Fr. Mercado sa kanyang misyon na dalhin ang mga salita ng Panginoon sa kanayunan at ipalaganap ang pagkakaisa sa lipunan sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya at tradisyon.
“May involvement si Fr. Jun sa good governance at the same time he goes around visiting places like sa mga conflict areas and try to work people to bring about peace sa Mindanao,” ani ng arsobispo.
Mayo 8 nang isugod sa ospital si Fr. Mercado nang magpositibo ito sa virus habang nagnegatibo ito sa kanyang RT-PCR test isang araw bago pumanaw.
Kinilala ang pari bilang isa sa mga haligi ng Missionary Oblates of Mary Immaculate Philippine Province dahil sa mga kahanga-hangang gawain nito sa lipunan at simbahan.
Nagtapos ang pari ng theology at missiology sa Gregorian University sa Roma habang pinagtitibay naman nito ang kaalaman sa Islam nang magtapos ng Islamic studies sa University of Cairo sa Egypt ayon na rin sa Institute of Spirituality in Asia.
Sa loob ng isang dekada naging pangulo si Fr. Mercado sa Notre Dame University sa Cotabato City mula 1992 hanggang 2002. Mula 2003 hanggang 2006 naging direktor ito ng Justice, Peace and Integrity of Creation ng OMI sa Roma.
Naging bahagi rin ang pari sa Mindanao Task Force on Poverty Alleviation, the Social Reform Agenda Council for Central Mindanao, at ng Presidential Commission for the Urban Poor for Central Mindanao noong 1995 hanggang 1998.
Noong 2006 bahagi rin ito sa binuong delegasyon ng Union of Superiors General na bumisita sa South Sudan upang magbalangkas ng mga tugon ng simbahan sa pastoral needs kasunod ng nilagdaang Comprehensive Peace Agreement noong 2005.
Bukod kay Fr. Mercado nasawi rin sa COVID-19 ang kapwa pari ng arkidiyosesis na sina Fr. Loreto Sanoy at Fr. Rex Bacero.